02 Enero 2026
Paggunita sa Dakilang San Basilio at San Gregorio Nasianseno,
mga Obispo at pantas ng Simbahan
mga Obispo at pantas ng Simbahan
Ikatlong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 2, 22-28/Salmo 97/Juan 1, 19-28
Larawan: Guido Reni (1575–1642), Christ embracing Saint John the Baptist (c. 1600s). National Gallery via Art UK. Public Domain.
"Ako'y nagbibinyag sa tubig, ngunit nasa gitna ninyo ang isang hindi ninyo nakikilala. Siya ang susunod sa akin, subalit hindi ako karapat-dapat magkalag man lamang ng tali ng Kaniyang panyapak" (Juan 1, 26). Ang mga salitang ito ay binigkas nang buong linaw ng tagapaghanda ng daraanan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Mesiyas na ipinangakong isusugo ng Diyos sa Kaniyang bayan sa panahong Kaniyang itinakda, na walang iba kundi ang Kaniyang kamag-anak na si San Juan Bautista bilang tugon sa mga saserdote at mga Levitang nagtungo sa Ilog Jordan upang itanong sa kaniya ang dahilan kung bakit siya nagbibinyag roon sa salaysay na inilahad sa Ebanghelyo. Sa halip na mang-agaw-eksena, itinuro niya sa kanila ang Panginoong Jesus Nazareno na isinugo ng Ama sa lupa bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng tanan. Sa pamamagitan nito, ang Panginoong Jesus Nazareno ay dinakila ni San Juan Bautista.
Nakasentro sa taos-pusong pagdakila sa Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa para sa araw na ito. Itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa ang pakiusap ni Apostol San Juan para sa lahat ng mga Kristiyano na manatili sa Poong Jesus Nazareno. Ang lahat ng mga nananatili sa Poong Jesus Nazareno ay dumarakila sa Kaniya nang may taos-pusong katapatan hanggang sa huli. Sa pamamagitan ng kanilang mga salita at gawa, ipinapahayag nila ang pasiyang ito na bukal sa kanilang mga puso. Lagi nilang isinasabuhay ang nasabing pasiya. Gaya ng mang-aawit na itinampok sa Salmo, ang kanilang mga puso ay puspos ng ligaya, galak, at pag-asa sapagkat ipinasiya nilang manatili sa Poong Jesus Nazareno.
Hindi lamang sa mga salita natin dapat dakilain ang Poong Jesus Nazareno. Bagkus, kailangan rin nating dakilain ang Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan rin ng ating mga gawa. Buong linaw nating inihahayag sa pamamagitan nito ang ating pasiyang sa Kaniya lamang manatili. Palagi itong ginagawa ng mga taos-pusong dumarakila sa Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento