03 Enero 2026
Paggunita sa Kabanal-Banalang Ngalan ng Ating Panginoong Jesus Nazareno
Ikaapat na Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 2, 29-3, 6/Salmo 97/Juan 1, 29-34
Larawan: Bartolomé Esteban Murillo (1617–1682), Saint John the Baptist Pointing to Christ (c. 1655). Art Institute of Chicago. Public Domain.
"Ito ang Kordero ng Diyos. Ito ang nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan" (Juan 1, 29). Sa pamamagitan ng mga salitang ito na buong lakas at linaw niyang binigkas sa simula ng salaysay na tampok sa Ebanghelyo, ang Nuestro Padre Jesus Nazareno na pumarito sa mundo bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kaloob ng Amang nasa langit nang sumapit ang takdang panahon ay ipinakilala ng hinirang at itinalaga bilang Kaniyang tagapagpauna na maghahanda ng Kaniyang daraanan na walang iba kundi si San Juan Bautista na Kaniyang kamag-anak. Ang misyon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na ipinadala ng Diyos sa mundo para sa ikaliligtas ng mga tao ay inilarawan ni San Juan Bautista nang buong linaw sa pamamagitan ng mga salitang ito na kaniyang binigkas sa Ebanghelyo.
Nakatuon sa papel, misyon, at tungkulin ng Mahal na Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos ang mga Pagbasa. Sa pamamagitan nito, ang bawat isa sa atin ay tinutulungan ng Simbahan sa pag-aalay ng tapat at taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Hindi ito nagagawa sa pamamagitan ng pagsampa sa andas ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa tuwing isinasagawa ang prusisyon ng Traslacion tuwing sasapit ang araw ng Kaniyang Kapistahan taun-taon. Bagkus, nagagawa ito sa pamumuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.
"Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas" (Salmo 97, 1). Sa pamamagitan ng mga salitang ito, ang kahanga-hangang kadakilaan ng Diyos ay pinatotohanan nang buong linaw ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Dahil dito, puspos ng tunay na tuwa, galak, at ligaya ang tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan. Ito ang ginawa ng Poong Jesus Nazareno noong pumarito Siya sa daigdig nang kusang-loob upang tuparin ang misyon at tungkuling ibinigay sa Kaniya ng Ama.
Ang pangaral ng apostol na si San Juan na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa ay nakasentro sa dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ito. Hindi napilitan ang Diyos na gawin ito. Kusang-loob Niya itong ginawa. Pag-ibig ang dahilan kung bakit ipinasiya Niya itong gawin. Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, iniligtas Niya tayo sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, nahayag sa lahat ang maluwalhating tagumpay ng Diyos. Itinuro rin sa atin ni Apostol San Juan kung ano ang dapat maging tugon ng bawat isa sa atin sa gawang ito ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga. Bilang tugon sa gawang ito ng Diyos, dapat lagi tayong mamuhay nang banal at kalugud-lugod sa Kaniyang paningin.
Pagdakila na dalisay ang nararapat ihandog sa Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Dapat maging taos-puso ang ating pagdakila sa Kaniya. Lagi nating tuparin at sundin ang Kaniyang mga utos at loobin. Tumalima tayo sa Kaniya nang taos-puso. Ito ang tunay na debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno na kusang-loob na naparito sa lupa upang iligtas ang buong sangkatauhan dahil taos-puso ang Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento