Sabado, Disyembre 13, 2025

SA PAMAMAGITAN NG PINAKADAKILANG BIYAYA, NAHAYAG ANG KANIYANG KADAKILAAN

11 Enero 2026 
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon (A) 
Isaias 42, 1-4. 6-7/Salmo 28/Mga Gawa 10, 34-38/Mateo 3, 13-17 


Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay ang pinakadakilang biyayang ipinagkaloob sa sangkatauhan. Ito ang katotohanang buong linaw na pinagninilayan ng Simbahan sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon. Dahil sa Kaniyang pag-ibig, habag, at awa, ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang pinakadakilang biyayang nagmumula lamang sa Kaniya na walang iba kundi ang Kaniyang Bugtong na Anak. Buong linaw na nahayag sa pamamagitan nito ang kadakilaan ng Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, ipinakilala ng Diyos ang Kaniyang dakilang lingkod na hinirang na walang iba kundi ang ipinangakong Mesiyas. Ang pangaral ng unang Santo Papa na si Apostol San Pedro sa bahay ni Cornelio na isang kapitang Romano na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa ay nakasentro sa katuparan ng mga pahayag ng Diyos tungkol sa ipinangakong Mesiyas at Manunubos sa Lumang Tipan, gaya ng Kaniyang pahayag na ipinaabot ni Propeta Isaias sa Kaniyang bayan sa Unang Pagbasa. Buong linaw na ipinakilala sa Ebanghelyo kung sino ang lingkod na ito - ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ipinakilala Siya ng Ama at ng Espiritu Santo noong binyagan Siya ng dakilang lingkod na hinirang rin ng Diyos na si San Juan Bautista. Pagkaahon Niya mula sa tubig ng Ilog Jordan, ipinakilala Siya ng Ama at ng Espiritu Santo. 

Inaanyayahan tayo ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan na mag-alay ng taos-pusong papuri at pasasalamat sa Diyos na nagpasiyang ipamalas sa ating lahat ang Kaniyang kadakilaan dahil sa Kaniyang dakilang awa, habag, at pag-ibig na tunay ngang dakila. Dapat lamang itong gawin sa bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno. Ang Kaniyang Kabanal-Banalang Ngalan ay dinarakila natin sa pamamagitan nito. 

Hindi ipinagkait sa atin ng Diyos ang pinadakilang biyaya sa atin. Kaya naman, bilang tugon, nararapat lamang na dakilain natin Siya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Pinatutunayan nating dalisay, taos-puso, at busilak ang ating debosyon at pamamanata sa Poong Jesus Nazareno sa pamamagitan nito. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento