Martes, Disyembre 2, 2025

SA BAWAT SANDALI NG ATING BUHAY, ANG DIYOS AY DAPAT DAKILAIN

26 Disyembre 2025 
Kapistahan ni San Esteban, Unang Martir 
Mga Gawa 6, 8-10; 7, 54-59/Salmo 30/Mateo 10, 17-22 


Ang unang martir ng Simbahan na walang iba kundi si San Esteban ay itinatampok at pinararangalan ng Inang Simbahan sa araw na kasunod ng maringal na pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Habang buong tuwang ipinagpapatuloy ng Simbahan ang pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon, tayong lahat ay pinaalalahanan tungkol sa dapat nating gawin bilang mga Kristiyano. Dapat nating ilaan ang bawat sandali ng ating buhay sa pagdakila sa Diyos, kahit na mahirap itong gawin. 

Itinampok at inilahad ang salaysay ng pagkamartir ng unang martir ng Simbahan na si San Esteban sa Unang Pagbasa. Sa kabila ng walang awang pag-uusig sa kaniya sa kamay ng Sanedrin hanggang sa sandaling ang kaniyang hininga ay malagot dulot ng walang tigil na pagbabato sa kaniya, ipinasiya pa rin ni San Esteban na ang Diyos ay dakilain. Ang mga salita ng mang-aawit na itinampok sa Salmong Tugunan ay buong giting niyang isinabuhay. Kahit na naranasan niya ang mga inilarawan ng Poong Jesus Nazareno, hindi nagpatinag si San Esteban. Dinakila pa rin niya ang Diyos. 

Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag ng Poong Jesus Nazareno, lagi natin dapat Siyang dakilain. Ang bawat sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig ay dapat nating ilaan sa pagdakila sa Kaniya taglay sa ating mga puso ang taos-pusong pananalig sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento