25 Disyembre 2025
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Araw]
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)
Larawan: Anonymous (German), Christi Geburt mit Anbetung der Hirten und Engel (c. 17th century). Hampel Auctions. Public Domain.
Tuwing sasapit ang taunang maringal na pagdiriwang ng Kapaskuhan na buong galak at ligayang idinadaos tuwing sasapit ang ika-25 araw ng Disyembre, ang ating mga pansin ay itinutuon sa dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Diyos ay dumating sa daigdig upang iligtas ang sangkatauhan. Kahit na hindi naman Niya ito kailangang gawin, ipinasiya pa rin ng Diyos na gawin ito.
Buong linaw na inihayag sa Unang Pagbasa na idudulot ng Diyos ang dakilang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Ang biyaya ng kaligtasan ay magmumula lamang sa Kataas-taasang Diyos ng mga Hukbo. Ipinaliwanag ng manunulat sa Sulat sa mga Hebreo sa kaniyang pangaral na inilahad at itinampok sa Ikalawang Pagbasa na naisakatuparan ang mga pahayag tungkol sa pagdulot ng Diyos ng biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa Lumang Tipan, gaya na lamang ng pahayag sa Unang Pagbasa, sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Jesus Nazareno. Tinupad ni Jesus Nazareno ang mga pahayag tungkol sa pagligtas ng Diyos sa tanan na ibinahagi sa Lumang Tipan. Sa Ebanghelyo, ipinakilala si Jesus Nazareno bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Nang dumating Siya sa mundo, natupad ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Naipamalas ni Jesus Nazareno ang kahanga-hangang tagumpay ng Diyos (Salmo 96, 3k). Dahil may habag, awa, kagandahang-loob, at pag-ibig ang Diyos, niloob Niyang mangyari ito.
Ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao noong gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno ay dapat nating dakilain. Ipinamalas Niya sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang pagdating sa lupa bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ng Betlehem noong gabi ng unang Pasko ang Kaniyang kabutihan. Mayroong Pasko dahil sa Kaniya.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento