20 Disyembre 2025
Ikalimang Araw ng Simbang Gabi
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Lucas 1, 26-38
Larawan: Maarten Pepyn (1575–1643), Annunciation (c. Between 1600 and 1643). Hampel Auctions. Public Domain.
Nakatuon sa halaga ng taos-pusong pagdakila sa Diyos ang mga Pagbasa. Hindi Niya ipinagkait sa atin ang Kaniyang kabutihan kailanman. Lagi Niya itong ipinapamalas sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa. Kaya naman, bilang mga bumubuo ng Kaniyang sambayanang naglalakbay sa lupa, nararapat lamang na dakilain natin ang Diyos nang may taos-pusong pananalig at katapatan. Ang bawat oras, minuto, at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupang ibabaw ay lagi nating dapat ilaan upang dakilain ang Diyos.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na ipinahayag ng Diyos kung paano Niya ipapamalas ang Kaniyang kabutihan. Ang kabutihan ng Diyos ay mahahayag sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na isisilang ng isang dalaga. Ipinakilala Siya ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan bilang Dakilang Hari ng lahat (Salmo 23, 7k at 10b). Sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo, ang Arkanghel na si San Gabriel ay nagpakita sa Mahal na Birheng Maria upang iparating sa kaniya ang magandang balita tungkol sa paghirang sa kaniya ng Diyos bilang ina ng ipinangakong Mesiyas na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Isasakatuparan ng Diyos ang Kaniyang pahayag sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno na dumating sa daigdig bilang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria.
Gaya ng Mahal na Birheng Maria, lagi nating dakilain ang Diyos. Tanggapin at sundin natin nang taos-puso ang Kaniyang kalooban. Sa pamamagitan nito, magiging taos-puso ang ating pagdakila sa Diyos. Ang mga tumatalima sa Diyos nang taos-puso ay dumarakila sa Kaniya nang taos-puso.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento