Sabado, Nobyembre 29, 2025

ANG KADAKILAAN NG DIYOS NA NAGLILIGTAS

25 Disyembre 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Bukang-Liwayway] 
Isaias 62, 11-12/Salmo 96/Tito 3, 4-7/Lucas 2, 15-20 


Nakasentro sa tanging dahilan kung bakit ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ay isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko ang mga Pagbasa para sa solemneng pagdiriwang ng Banal na Misa sa Bukang-Liwayway ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Bagamat ang mga Pagbasa para sa mga Misa na idinadaos sa nasabing oras ng nasabing Dakilang Kapistahan ay napakaikli kung ang mga Pagbasang ito ay ikukumpara sa haba ng mga Pagbasa para sa mga Misa na idinadaos sa ibang mga oras ng nasabing Dakilang Kapistahan, hindi ito nangangahulugang walang maitutulong ang mga nasabing Pagbasa para sa mga pagdiriwang ng Banal na Misa na isinasagawa sa nasabing oras ng nasabing Dakilang Kapistahan sa pagpapalalim ng ating taimtim na pagninilay sa dakilang misteryo na itinatampok sa tuwing ang nasabing Dakilang Kapistahan ay sasapit. Alang-alang sa ating lahat, ang Diyos ay nagakatawang-tao sa pamamagitan ni Jesus Nazareno. 

Buong linaw na ipinahayag sa mga Pagbasa na isinilang ang Poong Jesus Nazareno sa isang hamak na sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko upang iligtas ang sangkatauhan. Ang ating mga pansin ay itinutuon ng mga Pagbasa sa Kaniyang misyon at tungkulin bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa pamamagitan ng pagdating ng Poong Jesus Nazareno bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na nagmula sa langit, ang kadakilaan ng Diyos ay nahayag sa lahat. 

Ang pangako ng Diyos ay inilahad ni Propeta Isaias sa Unang Pagbasa. Buong linaw na ipinahayag ng Diyos sa  pamamagitan ni Propeta Isaias na ipagkakaloob Niya sa Kaniyang bayan na walang iba kundi ang Israel ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas sa panahong itinakda Niya. Ipinaliwanag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Diyos na gawin ito. Dahil sa Kaniyang habag para sa sangkatauhan, ipinasiya ng Diyos na ipagkaloob sa Kaniyang bayan. Noong gabi ng unang Pasko, ang biyayang ito ay dumating sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno. Sa Ebanghelyo, ang mga pastol ay tumungo sa Betlehem upang dakilain at sambahin ang Banal na Sanggol. 

Inihayag ng Diyos ang Kaniyang kadakilaan sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno, ang dakilang biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay dumating sa lupa. Ginawa Niya ito dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa ating lahat. Dahil diyan, bilang tugon, buong galak natin Siyang dakilain at sambahin. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento