07 Disyembre 2025
Ikalawang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 11, 1-10/Salmo 71/Roma15, 4-9/Mateo 3, 1-12
Larawan: Federico Zuccari (–1609), John the Baptist (c. 1566). Villa Farnese. Public Domain.
Ipinaliwanag sa Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ikalawang Pagbasa kung bakit ang pagdating ng Poong Jesus Nazareno ay napakahalaga. Buong linaw na inihayag sa Unang Pagbasa na darating ang Poong Jesus Nazareno upang idulot ang tunay na katarungan sa mga dukha. Sa Salmong Tugunan, inihayag na kasaganaan ang kaloob ng Poong Jesus Nazareno. Nakatuon ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa sa pagdulot ng Poong Jesus Nazareno ng biyaya ng Kaniyang pagliligtas.
Sa Ebanghelyo, ang mga tao ay nagsitungo sa Ilog Jordan upang pakinggan ang mga pangaral ni San Juan Bautista. Nangaral nang walang humpay si San Juan Bautista sa mga nagsitungo sa Ilog Jordan upang makinig at magpabinyag sa kaniya tungkol sa halaga ng taimtim na pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos upang ihanda sila para sa katuparan ng pangako ng Diyos sa Lumang Tipan na walang iba kundi ang pagdating ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Dinarakila si Jesus Nazareno ng lahat ng mga naghahanda ng sarili para sa Kaniyang maringal na pagdating. Sa pamamagitan ng kanilang paghahanda ng sarili nang may taos-pusong kaigtingan at katapatan, ipinapahayag nila nang buong linaw na silang lahat ay nananalig, umaaasa, sumasampalataya, umiibig, at sumasamba sa Kaniya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento