17 Disyembre 2025
Ikalawang Araw ng Simbang Gabi
Genesis 49, 2. 9-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17
Tampok sa Ebanghelyo ang talaan ng angkang kinabilangan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Layunin ng Manunulat ng Mabuting Balitang si Apostol San Mateo sa pamamagitan ng kaniyang pasiyang itampok at ilahad ang talaang ito na tunay ngang napakahaba sa simula ng kaniyang salaysay ng Mabuting Balita ay isalungguhit nang buong linaw ang pagiging dakila ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang ibilang ang Mahal na Poong Jesus Nazareno sa isang angkan at lahing puno ng mga makasalanan, nahayag nang buong linaw ang kadakilaan ng Diyos.
Ang pasiya ng Diyos na ibilang ang Kaniyang sarili sa lahi at angkang binubuo ng mga taong Kaniyang nilikha, hinirang, at itinalaga bilang Kaniyang mga tapat na lingkod sa kabila ng kanilang mga kahinaan, pagkukulang, at kasalanan nang buong kababaang-loob sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi si Jesus Nazareno ay tunay nga namang kahanga-hanga. Sa pamamagitan ng Kaniyang kababaang-loob na inihayag Niya sa pamamagitan ni Jesus Nazareno, ipinamalas ng Diyos ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Kahit na ang Diyos mismo ay ang pinakadakila sa lahat, ipinasiya pa rin Niyang maging mababang-loob.
Sa pamamagitan ng Kaniyang kababaang-loob na naghayag ng Kaniyang kadakilaan, natupad ang pahayag ni Jacob sa kaniyang mga anak sa Unang Pagbasa. Nahayag sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno ang pahayag ni Jacob sa kaniyang mga anak tungkol sa tunay na Hari sa Unang Pagbasa. Katunayan, ang kadakilaan ng Diyos ay buong linaw na pinatotohanan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Ang Diyos ay tunay ngang dakila. Pinatunayan ito ng Poong Jesus Nazareno.
Ipinamalas ng Diyos sa lahat ang Kaniyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kaniyang kababaang-loob. Bagamat Siya ang pinakadakila sa lahat, ipinasiya pa rin ng Diyos na maging mababang-loob.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento