30 Nobyembre 2025
Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)
Isaias 2, 1-5/Salmo 121/Roma 13, 11-14a/Mateo 24, 37-44
Larawan: Denys Calvaert (circa 1540–1619), The Last Judgment (c. Turn of the 16th/17th century). National Museum in Kraków. Public Domain.
Lingid sa kaalaman ng marami sa mga Katolikong Pilipino, lalung-lalo na sa Pilipinas, na mayroon palang dalawang salin ng Sanctus (na binibigkas ng kongregasyon o kaya inaawit ng koro bago ang Konsegrasyon). Ang nasabing salin ng nasabing bahagi ng Prepasyo ay ang "Banal Ka, Poong Maykapal." Katunayan, lingid rin sa kaalaman ng marami sa mga Katolikong Pilipino na ito ay ang pangunahing salin ng Sanctus. Isa lamang alternatibong bersyon ng salin ng Sanctus ang saling nakasanayan natin na walang iba kundi ang salin na "Santo, Santo, Santo."
Sa pangunahing salin ng Sanctus sa Aklat ng Pagmimisa sa Roma (ang aklat ng mga rito at panalangin para sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa Tagalog) na walang iba kundi ang saling nagsisimula sa mga salitang "Banal Ka, Poong Maykapal," ang pagdakila sa Bugtong na Anak ng Diyos na Siya rin mismong Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay buong linaw na isinalungguhit. Bilang tanda ng taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya, ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay dinarakila at sinasamba nang taos-puso hanggang sa huli. Tinatanggap nila Siya bilang tunay na Hari at Mananakop.
Laging sinisimulan ng Inang Simbahan sa pamamagitan ng Panahon ng Pagdating ng Panginoon na tiyak na mas kilala ng marami bilang panahon ng Adbiyento ang isang bagong liturhikal na taon. Sa simula ng isang bagong liturhikal na taon, itinutuon ang ating pansin sa dapat dakilain. Ipinapaalala sa atin ng Simbahan na nararapat lamang dakilain ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Bugtong na Anak ng Diyos at Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na si Jesus Nazareno.
Nakasentro sa pagdating ng Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa. Inihayag nang buong linaw ni Propeta Isaias na darating ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas upang maghatid ng kaligtasan, galak, at liwanag. Buong linaw ring isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na darating muli ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas sa wakas ng panahon upang tayong lahat na taos-pusong nananalig at umaaasa sa Kaniya ay iligtas. Dagdag pa ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, malapit na Siyang dumating. Hindi man natin alam kung kailan ang eksaktong petsa, araw, at oras, alam nating malapit na Siyang dumating. Sa Ebanghelyo, buong linaw na ibinilin ng Poong Jesus Nazareno ang mga apostol na laging magtanod at laging maghanda para sa Kaniyang pagdating. Ang bilin na ito ay hindi lamang para sa mga apostol. Para rin ito sa ating lahat na bahagi ng Simbahang walang ibang nagtayo at nagtatag kundi Siya lamang na nagmula sa langit.
Ang paanyaya ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ay para sa lahat ng mga darakila sa Poong Jesus Nazareno. Ito ang biyayang matatamasa ng lahat ng mga darakila sa Kaniya nang taos-puso hanggang sa huli dahil sila mismo ang tumutupad sa utos at bilin ng Poong Jesus Nazareno na hintayin at paghandaan ang Kaniyang pagdating.
Kung tunay nga nating dinarakila ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, tutuparin at susundin natin ang Kaniyang mga utos. Maghihintay tayo para sa Kaniyang maringal na pagdating. Ilalaan natin ang bawat sandali ng ating buhay sa paghahanda para sa pagdating ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng ating taos-pusong pasiyang manalig at umasa sa Kaniya, ginagawa natin ito.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento