21 Disyembre 2025
Ikaapat na Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi
Isaias 7, 10-14/Salmo 23/Roma 1, 1-7/Mateo 1, 18-24
Nakasentro sa ugnayan ng katapatan ng Diyos at ang Kaniyang kadakilaan. Tiyak na hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ang katotohanan tungkol sa ugnayang ito. Ang katapatan ng Diyos at ang Kaniyang kadakilaan ay magkaugnay. Hindi naman malayo at magkaiba ang dalawang ito sa isa't isa. Sa pamamagitan ng Kaniyang katapatang walang maliw, ang Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan ay ipinapamalas Niya sa tanan nang buong linaw.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inihayag ng Diyos kung paano Niya tutubusin ang lahat ng tao mula sa kasalanan. Ang planong ito ng Diyos na tunay ngang dakila at kahanga-hanga ay isasakatuparan Niya sa panahong mismong Siya ang nagtakda sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas. Sa Ebanghelyo, ibinalita ng isang anghel ng Panginoon na nagpakita kay San Jose sa kaniyang panaginip habang buong ligalig at balisa niyang pinag-isipan at pinagplanuhan ang kaniyang planong makipaghiwalay sa Mahal na Birheng Maria na sumapit ang takdang panahon. Hindi anak ng ibang lalaki ang Sanggol sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria. Ang dinadala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan ay walang iba kundi si Jesus Nazareno, ang Bugtong na Anak ng Diyos na darating sa daigdig pagsapit ng takdang panahon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos.
Dahil sa katapatang ito ng Diyos na tunay ngang walang maliw, buong linaw Siyang ipinakilala ng mang-aawit sa Salmong Tugunan bilang dakilang Hari ng lahat (Salmo 23, 7k at 10b). Bukod pa roon, ipinahayag nang buong linaw ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral sa Ikalawang Pagbasa na si Jesus Nazareno ang tumupad sa mga pangakong binitiwan ng Diyos sa Lumang Tipan. Sa pamamagitan nito, nahayag sa tanan ang katapatan ng Diyos. Naipahayag rin naman ng Diyos sa pamamagitan nito ang Kaniyang kadakilaan.
Hindi nakakalimot ang Diyos sa mga pangakong binitiwan. Lagi Niyang tinutupad ang mga ito. Patunay lamang ito ng Kaniyang walang maliw na katapatan. Ang Kaniyang walang maliw na katapatan ay patunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan. Bilang tugon, ilaan natin ang bawat oras, minuto, at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito sa taos-pusong pagdakila sa Kaniya sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento