Biyernes, Nobyembre 28, 2025

HATID NG ATING DINARAKILA: PAG-IBIG, TUWA, PAG-ASA

25 Disyembre 2025 
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon 
[Pagmimisa sa Hatinggabi] 
Isaias 9, 1-6/Salmo 95/Tito 2, 11-14/Lucas 2, 1-14 


"Sa ati'y sumilang ngayon, Manunubos, Kristong Poon" (Lucas 2, 11). Ito ang balitang inihatid ng anghel ng Panginoon na nagpakita sa mga pastol na nagbabantay ng mga tupa sa parang noong gabi ng unang Pasko. Nakatuon sa mga salitang ito na binigkas nang buong linaw ng anghel ng Panginoon sa mga pastol sa parang noong gabi ng unang Pasko ang maringal na pagdiriwang ng Kapaskuhan. Ang Diyos ay pumarito sa lupa upang ang sangkatauhang nalugmok sa kasalanan ay iligtas sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria na si Jesus Nazareno. Dahil kusang-loob na ipinasiya ng Diyos na tubusin ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Mesiyas at Manunubos na ipinangako na si Jesus Nazareno, mayroong Pasko. 

Habang ipinagdiriwang natin nang buong galak at tuwa bilang isang sambayanan ang maringal na pagdiriwang ng Kapaskuhan, inaanyayahan tayo ng Simbahan na buong kataimtimang pagnilayan ang misteryo ng pagkakatawang-tao ni Jesus Nazareno. Sa pamamagitan ng pagsilang ni Jesus Nazareno, ang pinakadakilang biyaya ng Diyos ay dumating sa daigdig. Ito ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Ang bunga ng dakilang biyayang ito ay pag-ibig, tuwa, at pag-asa. 

Buong linaw na inihayag sa Unang Pagbasa na isang sanggol na lalaki ang isisilang sa takdang panahon. Ang nasabing sanggol ay isisilang para sa lahat ng tao. Inihayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na nahayag sa lahat ang kagandahang-loob ng Kataas-taasang Diyos ng mga Hukbo sa pamamagitan ng sanggol na ito na buong linaw na ipinakilala sa pahayag ni Propeta Isaias na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa. Katunayan, ipinakilala ni Apostol San Pablo sa kaniyang pangaral na ito na inilahad sa Ikalawang Pagbasa kung sino nga ba ang sanggol na lalaki sa propesiya sa Unang Pagbasa - ang Poong Jesus Nazareno. 

Ang salaysay ng pagsilang ng Poong Jesus Nazareno noong gabi ng unang Pasko ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan nito, buong linaw na nahayag sa lahat ng tao ang kadakilaan ng Diyos na sumasalamin sa Kaniyang kagandahang-loob. Dahil sa Kaniyang kagandahang-loob, idinulot ng Diyos ang tunay na pag-ibig, tuwa, at pag-asa sa pamamagitan ng pagkakaloob ng biyaya ng Kaniyang pagliligtas na dumating sa daigdig noong sumapit ang takdang panahon, ang banal at dakilang gabi ng unang Pasko, sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na isinilang ng Mahal na Birheng Maria. 

Isang paanyaya para sa ating lahat ay inilahad sa Salmong Tugunan. Buong galak at tuwang inaanyayahan ng mang-aawit sa Salmong Tugunan na dakilain ang Diyos na puspos ng kabutihan. Pinatotohanan pa nga ng mang-aawit sa Salmong Tugunan sa kaniyang paanyaya para sa lahat ang kabutihan ng Diyos na isinasalamin nang buong linaw ng Kaniyang mga gawa na tunay ngang kahanga-hanga at dakila. 

Noong gabi ng unang Pasko, idinulot sa atin ng Diyos ang tunay na pag-ibig, ligaya, tuwa, galak, at pag-asa. Ginawa Niya ito sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng pinakadakilang biyaya na walang iba kundi ang biyaya ng Kaniyang pagliligtas. Ito ay dumating sa daigdig sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Sa pamamagitan nito, ang Kaniyang kadakilaan na sumasalamin sa Kaniyang kagandahang-loob ay Kaniyang naipamalas. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento