16 Disyembre 2025
Unang Araw ng Simbang Gabi
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36
Larawan: Matteo Rosselli (1578-1650), Jesus and John the Baptist meet in their youth (c. 17th century). Unidentified location via Hampel Auctions. Public Domain.
"Nawa'y magpuri sa Iyo ang lahat ng mga tao" (Salmo 66, 4). Sa mga salitang ito ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan nakatuon ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa unang araw ng taunang tradisyunal na Pagsisiyam bilang paghahanda para sa Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon. Kasama natin ang Mahal na Birheng Maria, ang babaeng hinirang at itinalaga ng Diyos sa lahat ng mga babae sa daigdig na ito upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, sa loob ng siyam na araw na ito na inilaan para sa puspusang paghahanda ng sarili, paghihintay, at paglalakbay.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na ipinahayag ng Panginoong Diyos na darating Siya upang iligtas ang Kaniyang bayan. Darating Siya sa lalong madaling panahon upang isakatuparan ang Kaniyang plano. Mahahayag sa lahat sa pamamagitan ng Kaniyang pagligtas sa Kaniyang bayan ang Kaniyang kadakilaan. Sa Ebanghelyo, ipinahayag ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na isinugo Siya ng Ama. Ang Kaniyang mga gawa na tunay ngang kahanga-hanga at dakila ay patunay nito. Isinugo Siya ng Amang nasa langit upang tuparin ang pangakong inihayag sa Unang Pagbasa. Patunay lamang ito na hindi nakakalimot ang Diyos sa Kaniyang mga pangako. Tunay nga itong kahanga-hanga at dakila. Ang Diyos ay tunay ngang matapat.
Bilang tugon sa katapatan ng Diyos ng mga Hukbo na nahayag sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, atin Siyang purihin, dakilain, at sambahin nang taos-puso. Isabuhay natin sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito ang taos-pusong pasiyang ito na maipapahayag ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating mga salita at gawa. Pinaghahandaan natin nang puspusan ang ating mga sarili para sa pagtamasa ng biyaya ng buhay na walang hanggan sa Kaniyang kaharian sa langit sa pamamagitan nito.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento