10 Disyembre 2025
Kapistahan ng Pagtatalaga ng Dambana ng Katedral ng Maynila
1 Hari 8, 22-23. 27-30/Salmo 83/Juan 2, 13-22
"Ang templo Mo'y aking mahal, D'yos na Makapangyarihan" (Salmo 83, 2). Nakatuon sa mga salitang ito ang taimtim na pagninilay ng Simbahan sa araw na ito na inilaan para magpuri at magpasalamat sa Diyos na nagpabanal sa bawat gusaling itinayo at itinalaga bilang mga bahay-dalanginan o mga Simbahan katulad ng makasaysayang Katedral ng Maynila sa Intramuros na itinalaga sa araw na ito. Sa mga salitang ito na binigkas ng tampok na mang-aawit sa Salmong Tugunan, isinalungguhit nang buong linaw ang dahilan kung bakit ang mga bahay-dalanginan ay banal - ang presensya ng Diyos. Pinababanal ng presensya ng Diyos ang mga bahay-dalanginan.
Sa Unang Pagbasa, si Haring Solomon ay naghandog ng tapat at taos-pusong papuri, pasasalamat, at pagsamba sa Panginoong Diyos matapos ang Templo sa Herusalem ay maitayo. Buong galak na dinakila ni Haring Solomon ang Diyos na kusang-loob na nagpasiyang manahan sa Templo sa pamamagitan ng mga salitang ito. Katunayan, buong linaw niyang isinalungguhit sa kaniyang panalangin sa Diyos na tanging Siya mismo ang nagpapabanal sa Templo. Dahil sa presensya ng Diyos, banal ang Templo. Ito ang dahilan kung bakit ang templo ay nilinis ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Ang presensya ng Diyos ay hindi pinahalagahan. Kahit na ipinasiya ng Diyos na manahan sa Templo upang lalo Siyang mapalapit sa lahat ng mga bumubuo ng Kaniyang bayang hinirang, binalewala ito ng mga tao. Ang ginawa ng mga tao noong araw na iyon ay salamin ng kanilang mga puso at isipan. Walang halaga ang Diyos para sa kanila.
Dapat nating pahalagahan, dakilain, at mahalin ang Diyos nang buong katapatan sa bawat sandali ng ating buhay. Lagi natin Siyang purihin, sambahin, at dakilain. Hindi lamang ito naipapahayag sa pamamagitan ng mga salita lamang kundi pati na rin sa pamamagitan ng ating mga gawa. Ito ang hanap ng Diyos sa atin.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento