Miyerkules, Nobyembre 26, 2025

DAKILAIN ANG TUNAY NA MAPAGMAHAL

24 Disyembre 2025 
Ikasiyam at Huling Araw ng Simbang Gabi 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79 


Nakatuon sa pag-ibig ng Diyos ang mga Pagbasa. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang Diyos ay gumawa ng maraming mga kahanga-hangang bagay. Ang lahat ng mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay sumasalamin sa Kaniyang pag-ibig na dakila. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa na hindi na mabilang dahil sa dami ng mga ito, ipinapamalas ng Diyos sa tanan ang Kaniyang dakilang pag-ibig. Dahil dito, nararapat lamang na dakilain natin Siya bilang pahayag ng ating pasiyang manalig, sumampalataya, umasa, mahalin, at sambahin Siya. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos kay Propeta Natan ang Kaniyang pangako para kay Haring David. Ipinangako ng Panginoong Diyos na mananatili ang trono, angkan, at lahi ni Haring David. Magiging kahalili ni Haring David sa sandali ng kaniyang pagpanaw sa daigdig ang isa sa kaniyang mga anak. Tinupad nga ng Diyos ang Kaniyang pangakong ito kay Haring David na Kaniyang hirang. Nang sumapit ang oras at sandali ng kaniyang pagpanaw sa daigdig, ang humalili kay Haring David ay walang iba kundi ang kaniyang anak kay Bat-seba na si Solomon. Kalaunan, nagmula rin sa angkan ni Haring David ang tunay na Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. 

Pinatunayan ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang pagtupad sa Kaniyang pangako kay Haring David ang Kaniyang tapat na pag-ibig para sa Kaniyang lingkod. Hindi Niya nilimot ang Kaniyang pangako kay Haring David kailanman. Ang Kaniyang lingkod na hinirang na si Haring David ay Kaniyang minahal sa kabila ng kaniyang mga kahinaan at kasalanan laban sa Kaniya. 

Itinuon ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ang kaniyang awit ng papuri sa pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito, ang Diyos ay kaniyang dinakila. Hindi siya nahiyang dakilain ang Diyos na puno ng dakilang pag-ibig. Ang Diyos na kailanman ay hindi nagsasawang ipakita ang Kaniyang dakilang pag-ibig sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang gawa na hindi na mabilang ay buong sigasig na pinatotohanan ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Dinakila ng mang-aawit na tampok ang Diyos nang buong puso sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa Kaniyang walang maliw na pag-ibig. 

Ang ama ni San Juan Bautista na walang iba kundi si Zacarias ay nagpatotoo tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang awit ng papuri na itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol sa dakilang pag-ibig ng Diyos na isinasalamin ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa na hindi na mabilang, ang Diyos ay dinakila ni Zacarias nang taos-puso. Ito ang tugon ni Zacarias sa pag-ibig na ipinakita ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa. 

Hindi lamang pagpapamalas ng kapangyarihan ang mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos. Bagkus, ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos ay patunay ng Kaniyang dakilang pag-ibig. Ito ang dahilan kung bakit hindi Siya nakakalimot sa mga pangakong binitiwan kailanman. Dahil dito, marapat lamang na ilaan ang bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa daigdig sa pagdakila sa Kaniya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento