23 Disyembre 2025
Ikawalong Araw ng Simbang Gabi
Malakias 3, 1-4. 23-24/Salmo 24/Lucas 1, 57-66
Larawan: Giuliano Bugiardini (1475–), The Birth of John the Baptist (c. 16th century). Galleria Estense via Bridgeman Art Library. Public Domain.
Nakasentro sa ugnayan ng kadakilaan at kabutihan ng Diyos ang mga Pagbasa. Ang kabutihan ng Diyos at ang Kaniyang kadakilaan ay hindi mga katangian o konseptong hiwalay sa isa't isa. Magkaugnay at magkaakibat ang dalawang ito. Ipinapamalas ng Diyos ang Kaniyang kadakilaan sa pamamagitan ng Kaniyang kabutihan. Palagi itong ginagawa ng Diyos noon pa man una. Buong linaw na ipinapakita ng Diyos sa lahat ang ugnayan ng Kaniyang kabutihan at kadakilaan.
Sa Unang Pagbasa, buong linaw na inihayag ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang hirang na propetang si Malakias na darating Siya sa takdang panahon. Ngunit, bago dumating ang Panginoon sa panahong Kaniyang itinakda, isusugo Niya si Elias upang ihanda ang lahat para sa pagsasakatuparan ng pahayag na ito ng Panginoon. Buong linaw namang inilarawan sa Salmong Tugunan ang dahilan kung bakit ang Diyos ay nagpasiyang dumating. Darating Siya sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang ang biyaya ng kaligtasan ay idulot sa lahat. Sa Ebanghelyo, ang tagapagpauna ng Mahal na Poong Jesus Nazareno, ang Mesiyas at Tagapagligtas, na walang iba kundi si San Juan Bautista na Kaniyang kamag-anak ay isinilang. Nahayag ang kadakilaan ng Diyos sa pamamagitan nito. Ipinamalas ng Diyos sa mag-asawang Zacarias at Elisabet ang Kaniyang kabutihan sa pamamagitan ni San Juan Bautista.
Pinatutunayan ng Diyos ang Kaniyang kadakilaan sa pamamagitan ng pagpapamalas ng Kaniyang kabutihan. Bilang tugon, dapat lagi natin Siyang dakilain. Huwag tayong tumigil sa pagdakila sa Kaniya sapagkat hindi Siya nagsasawang ipamalas sa atin ang Kaniyang kahanga-hangang kabutihan.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento