05 Disyembre 2025
Biyernes sa Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
Isaias 29, 17-24/Salmo 26/Mateo 9, 27-31
Larawan: Konstantin Makovsky (1839–1915), Healing the Blind Men (c. 1860). The Museum of the Russian Academy of Arts. Public Domain.
"Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!" (Mateo 9, 27). Ito ang samo ng dalawang bulag na lalaki sa Poong Jesus Nazareno sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo. Hindi sila nag-atubiling magmakaawa sa Poong Jesus Nazareno. Batid ng dalawang bulag na lalaking ito na hawak ng Poong Jesus Nazareno ang kanilang kapalaran. Dahil ang Poong Jesus Nazareno ay ang Dakilang Manggagamot, Siya mismo ang magpapasiya kung ang dalawang bulag na lalaking ito ay Kaniyang pagagalingin o hindi. Kaya, ang dalawang bulag na lalaking ito ay umasang kaaawaan at kahahabagan sila ng Poong Jesus Nazareno, ang Dakilang Manggagamot. Isinasalamin ito ng mga salitang buong lakas nilang isinigaw sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo. Bagamat pasigaw nilang winika ang mga salitang ito, makikita ang dalisay na kababaang-loob.
Pinaaalalahanan tayo ng mga Pagbasa para sa araw na ito na tunay ngang maawain at mahabagin ang ating pinaghahandaan at pinananabikan. Taglay ang tapat, dalisay, busilak, at taos-pusong pananalig at pananampalataya sa ating mga puso at loobin, nananabik at naghahanda tayo para sa pagdating ng pinakadakila sa lahat na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Darating Siya dahil sa Kaniyang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob. Nagawa na Niya ito noong una Siyang dumating bilang Mesiyas at Manunubos. Muli Niya itong gagawin sa Kaniyang ikalawang pagdating.
Sa Unang Pagbasa, inihayag nang buong linaw na maraming mga kahanga-hangang bagay ang magaganap sa pagdating ng Panginoon. Sa Salmong Tugunan, ipinakilala ng mang-aawit na itinampok ang Panginoong Diyos bilang tanglaw at kaligtasan. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang maging tanglaw at kaligtasan ng lahat, ang pag-ibig, awa, habag, at kagandahang-loob ng Diyos na tunay ngang dakila ay nahayag sa lahat. Sa Ebanghelyo, ang tugon ng Nuestro Padre Jesus Nazareno ay pagbigyan ang hiling ng dalawang lalaking bulag. Sa pamamagitan ng Kaniyang pasiyang pagaligin ang dalawang lalaking bulag bilang tugon sa kanilang kahilingan, pinatunayan Niyang tunay nga Siyang maawain at mahabagin.
Dinarakila natin ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na puspos ng pag-ibig, habag, at awa para sa ating lahat. Hindi Niya ipinagkakait ito sa atin. Kusang-loob Niya itong ipinagkakaloob sa atin. Walang sandaling hindi Siya nagsasawang gawin ito. Bilang tugon sa Kaniyang walang sawang pagpapakita ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa sa atin, lagi nating dapat paigtingin ang ating paghahanda ng ating mga sarili para sa Kaniyang pagdating.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento