24 Disyembre 2025
Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon
[Pagmimisa sa Bisperas]
Isaias 62, 1-5/Salmo 88/Mga Gawa 13, 16-17. 22-25/Mateo 1, 1-25 (o kaya: 1, 18-25)
Larawan: Louis Cretey (–1713), The Nativity (c. Between 17th century and 18th century). Detroit Institute of Arts. Public Domain.
Ang dakilang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Panginoong Jesus Nazareno ay ang sentro ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang. Noong gabi ng unang Pasko, sa isang hamak na sabsaban sa lungsod ni Haring David na walang iba kundi ang lungsod ng Betlehem, ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ay isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria noong gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno, nahayag nang buong linaw ang dakilang pag-ibig ng Diyos. Tinupad ng Diyos ang pangakong binitiwan Niya sa pamamagitan ng mga propeta sa Lumang Tipan bilang patunay na dakila ngang lubos ang Kaniyang pag-ibig sa pamamagitan nito.
Sa Unang Pagbasa, si Propeta Isaias ay nagsalita nang buong linaw tungkol sa pag-ibig ng Diyos para sa bayang Kaniyang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Hindi pababayaan ng Diyos ang Kaniyang bayan na manatiling alipin ng kadiliman. Bagkus, ang biyaya ng kaligtasan ay ipagkakaloob ng Diyos sa Kaniyang bayan. Mahahayag sa tanan sa pamamagitan ng pagligtas ng Diyos sa bayang Israel na Kaniyang hinirang upang maging Kaniya dahil sa Kaniyang pag-ibig ang Kaniyang kadakilaan.
Nakasentro sa pagsasakatuparan ng pangako ng Diyos na inilahad sa Unang Pagbasa ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Ipinamalas ng Diyos nang buong linaw sa tanan ang Kaniyang kadakilaan sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Ang Mahal na Poong Jesus Nazareno ay pumarito sa daigdig bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos upang isakatuparan ang inilarawan ng dakilang propetang si Isaias sa Unang Pagbasa.
Tampok sa Ebanghelyo ang talaan ng angkang kinabilangan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno at ang pagsilang Niya noong gabi ng unang Pasko. Sa kabila ng Kaniyang kadakilaan bilang tunay na Diyos, kusang-loob na ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na mapabilang sa angkan ng mga makasalanan. Halimbawa ng mga kasalanang nagawa ng Kaniyang mga ninuno ay pakikipagsiping sa iba, gaya na lamang ng ginawa ni Abraham kay Agar dahil sa pag-uudyok ng kaniyang kabiyak na si Sara at ng ginawa ni Haring David kay Bat-seba na kabiyak ng puso ni Urias. Dahil sa Kaniyang pag-ibig na tunay ngang dakila, ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na mapabilang sa angkang ito upang ang lahat ng tao sa daigdig ay iligtas mula sa kasalanan, kasamaan, at kadiliman.
Gaya ng ipinahayag nang buong linaw ng mang-aawit sa Salmong Tugunan: "Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Ito ang tanging dahilan kung bakit may Pasko. May Pasko dahil lubos tayong iniibig ng ating dinarakila nang taos-puso na walang iba kundi ang Kataas-taasang Diyos. Buong linaw na nahayag sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ang misteryong ito.
Dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos para sa tanan, ang Pasko ay ating ipinagdiriwang nang buong galak. Pinatunayan ng Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Inang si Mariang Birhen sa isang hamak na sabsaban noong gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na tunay ngang dakila ang pag-ibig ng Diyos.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento