Biyernes, Nobyembre 14, 2025

NILALAPITAN TAYO SA KABILA NG KANIYANG KADAKILAAN

12 Disyembre 2025 
Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe 
Zacarias 2, 14-17 (o kaya: Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab)/Judith 13/ Lucas 1, 39-47 (o kaya: 1, 26-38) 


Ang mga Pagbasa para sa Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe ay nakatuon sa pasiya ng Diyos na lapitan tayo. Hindi napilitan ang Diyos na lapitan tayo. Kusang-loob Niyang ipinasiyang lapitan tayo. Sa larawan ng Mahal na Birhen ng Guadalupe, buong linaw na inilarawan ang pagdadalantao ng Mahal na Birheng Maria. Alam natin kung sino ang dinala ng Mahal na Birheng Maria - ang Bugtong na Anak ng Diyos at Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo na walang iba kundi si Jesus Nazareno. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos ang Kaniyang pasiyang makapiling ang Kaniyang bayan. Para sa Panginoong Diyos, hindi isang hadlang o dahilan upang hindi makapiling ang Kaniyang bayan ang Kaniyang kadakilaan. Sa kabila ng Kaniyang kadakilaan, ipinasiya pa rin Niyang makapiling ang Kaniyang bayan. Isinakatuparan ng Diyos ang pangakong ito na ipinahayag Niya nang buong linaw sa Unang Pagbasa sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na nanahan sa sinapupunan ng Mahal na Birheng Maria sa loob ng siyam na buwan na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno. Sa tampok na salaysay sa Ebanghelyo, buong linaw na inihayag ni Elisabet na tunay nga namang mapalad ang Mahal na Birheng Maria dahil sa Sanggol na si Jesus Nazareno. Bilang tugon sa pahayag ni Elisabet, dinakila ng Mahal na Birheng Maria nang buong galak at tuwa ang Diyos na nagdakila sa kaniya. 

Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa pagdiriwang ng Paggunita sa Mahal na Birhen ng Guadalupe na nilalapitan tayo ng Diyos sa kabila ng Kaniyang kadakilaan. Kahit kailan, hindi naging hadlang o dahilan ang Kaniyang kadakilaan upang lapitan Niya tayo. Sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na dinala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan sa loob ng siyam na buwan na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno, tayong lahat ay nilapitan ng Diyos. Bilang tugon, samahan natin ang Mahal na Birheng Maria at ang lahat ng mga banal sa pagdakila sa Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento