18 Disyembre 2025
Ikatlong Araw ng Simbang Gabi
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24
Larawan: Stefano Maria Legnani (1660–1715), The dream of St. Joseph (c. 1708). Museo Civico, Novara. Public Domain.
Sa Unang Pagbasa, ang Diyos ay nagbitiw ng isang dakilang pangako. Magmumula sa lahi ni Haring David ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Sa Ebanghelyo, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa panaginip ni San Jose upang ibalita sa kaniya na niloob mismo ng Diyos na magdalantao ang Mahal na Birheng Maria. Ang Sanggol na dinadala ng Mahal na Birheng Maria sa kaniyang sinapupunan ay ang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno.
May paanyaya para sa lahat ang mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Ang Diyos ay dapat nating purihin, dakilain, at sambahin. Hinding-hindi Siya nakakalimot. Lagi Niyang tinutupad ang Kaniyang mga pangako.
Tunay ngang walang maliw at walang kapantay ang dakilang katapatan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaniyang walang maliw na katapatan, ipinapamalas ng Diyos ang Kaniyang kadakilaan.
.jpg)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento