Sabado, Nobyembre 8, 2025

DINAKILA NG KANIYANG DINAKILA

08 Disyembre 2025 
Dakilang Kapistahan ng Kalinis-Linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria 
Genesis 3, 9-15. 20/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 11-12/Lucas 1, 26-38 


Kapag ang ikawalong araw ng Disyembre ay hindi tumapat sa araw ng Linggo, inilaan ang nasabing petsa para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria. Nakatuon ang nasabing pagdiriwang sa pagligtas ng Diyos sa Mahal na Birheng Maria na Kaniyang hinirang at itinalaga upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno bago siya isilang ng kaniyang inang si Santa Ana. Ginawa ito ng Diyos upang simulan ang Kaniyang planong iligtas ang sangkatauhan. 

Nakasentro sa mga gawa ng Diyos na nagpapatunay ng Kaniyang kahanga-hangang kadakilaan ang mga Pagbasa. Sa Unang Pagbasa, ipinaliwanag ng Diyos nang buong linaw kung paano Niya ililigtas ang sangkatauhan. Bagamat ang pagkalugmok ng tao ay bunga ng kasalanang nagawa nina Adan at Eba, hindi ito naging hadlang at dahilan para sa Diyos upang hayaan na lamang Niyang mapahamak nang tuluyan ang tao. Sa halip na pabayaan ang buong sangkatauhan na tuluyang malugmok at mapahamak, ipinasiya pa rin ng Diyos na tubusin sila. Isinentro ni Apostol San Pablo ang kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa sa katuparan ng pangakong binitiwan ng Diyos sa Unang Pagbasa. Natupad ito sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno, ang ipinangakong Mesiyas na Manunubos na kusang-loob na ipinagkaloob sa atin ng Diyos dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig para sa atin. Sa Ebanghelyo, ang Diyos ay dinakila ng Mahal na Birheng Maria na Kaniyang dinakila nang ang Kaniyang abang aliping ito ay iniligtas Niya mula sa dungis ng kasalanan sa pamamagitan ng taos-pusong pagtanggap sa pananagutang Kaniyang bigay. 

Gaya ng inihayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan: "Umawit sa Diyos ng awa, ang gawain N'ya'y dakila" (Salmo 97, 1a). Ang lahat ng mga gawa ng Diyos ay tunay ngang dakila. Katunayan, Siya ang pinakadakila sa lahat. Dahil dito, nararapat lamang na lagi natin Siyang dakilain, gaya ng ginawa ng Mahal na Birheng Maria na Kaniya ring dinakila. 

Ang Diyos ay laging dinakila ng Mahal na Birheng Maria na Kaniya ring dinakila. Hindi kinalimutan ng Mahal na Birheng Maria na dakilain ang Diyos kailanman. Lagi niyang inilaan ang bawat sandali ng kaniyang pansamantalang paglalakbay sa daigdig na ito sa pagdakila sa Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang mga salita at gawa, ang Diyos ay lagi niyang dinakila. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento