Lunes, Nobyembre 24, 2025

PAGDAKILA SA NAGDUDULOT NG GALAK

22 Disyembre 2025 
Ikapitong Araw ng Simbang Gabi 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 



Buong linaw na ipinapaalala sa atin ng mga Pagbasa kung saan ang tunay na galak ay nagmumula. Nagmumula lamang sa Diyos ang tunay na galak. Ang biyayang ito ay kusang-loob Niyang idinudulot sa atin. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa na nagpapahayag ng Kaniyang kadakilaan, idinudulot Niya sa atin ang tunay na galak. Tunay ngang napakabuti ang ating dinarakila nang taos-puso. 

Sa Unang Pagbasa, buong galak na dinala ni Ana ang kaniyang anak na si Samuel sa Templo upang ihandog siya sa Panginoong Diyos. Para kay Ana, isang biyaya mula sa Panginoong Diyos ang kaniyang anak na si Samuel. Matapos manalangin nang buong kataimtiman habang pumapatak sa lupa ang mga luha mula sa kaniyang mga mata, ipinagkaloob ng Panginoong Diyos si Samuel kay Ana bilang kaniyang anak. Ang mga luha at mga panalangin ni Ana ay hindi nauwi sa wala. Biniyayaan ng Diyos si Ana ng anak. Dinulutan ng Diyos si Ana ng tunay na galak sa pamamagitan ng kaniyang anak na walang iba kundi si Samuel. Ito ang tanging dahilan kung bakit ang Diyos ay buong galak niyang dinakila sa kaniyang panalangin na inilahad sa Salmong Tugunan. 

Itinampok at inilahad sa Ebanghelyo ang papuring awit ng Mahal na Birheng Maria na kilala natin sa tawag na "Magnificat." Mula sa simula hanggang sa wakas ng nasabing papuring awitin, ang Diyos ay buong galak na dinakila ng Mahal na Birheng Maria na hinirang at itinalaga upang maging ina ng ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Buong galak na nagpatotoo tungkol sa kadakilaan ng Diyos na tunay nga namang kahanga-hanga ang Mahal na Birheng Maria sa bawat titik ng papuring awiting ito. Sa pamamagitan ng Kaniyang mga kahanga-hangang gawa na nagpapahayag ng Kaniyang kadakilaan, idinulot ng Diyos sa tanan ang tunay na galak. 

Ang tunay na galak ay nagmumula lamang sa lagi nating dinarakila nang taos-puso sa bawat oras at sandali ng ating pansamantalang paglalakbay sa lupa na walang iba kundi ang Diyos. Huwag nating itigil ang taos-pusong pagdakila sa Kaniya. Mayroon tayong kasama sa taos-pusong pagdakila sa Diyos - ang Mahal na Birheng Maria na Reyna at Ina nating lahat. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento