Biyernes, Nobyembre 21, 2025

DAKILAIN ANG BUKAL NG PAGPAPALA

19 Disyembre 2025 
Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi 
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25 


Ang pagiging mapagpala ng Diyos ay binibigyan ng pansin sa mga Pagbasa. Sa Diyos lamang nagmumula ang tunay na pagpapala. Lagi Niya tayong pinagpapala, kahit na hindi na mabilang ang ating mga nagawang kasalanan laban sa Kaniya dahil sa dami ng mga ito. Patunay lamang ito ng Kaniyang kabutihan. Kaya naman, bilang tugon sa Kaniyang pasiyang lagi tayong pagpalain, dapat lagi rin natin Siyang dakilain, purihin, ipagbunyi, at sambahin nang taos-puso bilang Kaniyang sambayanang taos-pusong umaaasa, nananalig, at sumasampalataya sa Kaniya. 

Sa Unang Pagbasa, ibinahagi ng anghel ng Panginoon sa asawa ni Manoa ang balita tungkol sa pagkahirang sa kanila ng Diyos upang maging mga magulang ni Samson, ang Hukom na itinalaga ng Diyos upang simulan ang proseso ng pagligtas sa bayang Israel mula sa mga Filisteo. Ipinakita ng Diyos kay Manoa at sa kaniyang asawa na hindi magkaanak sa loob ng mahabang panahon ang Kaniyang dakilang kabutihan sa pamamagitan ng pagkakaloob kay Samson sa kanila bilang anak. Sa Ebanghelyo, ang balita ng pagkahirang ng Diyos sa magkabiyak ng pusong sina Zacarias at Elisabet upang maging mga magulang ng tagapagpauna ng ipinangakong Mesiyas na si Jesus Nazareno na walang iba kundi ang Kaniyang kamag-anak na si San Juan Bautista ay ibinahagi nang buong galak ni Arkanghel San Gabriel kay Zacarias. Kahit na ang mag-asawang sina Zacarias at Elisabet ay napakatanda na noong mga araw na yaon, ang Diyos ay kusang-loob na nagpasiyang ipakita kina Zacarias at Elisabet ang Kaniyang kabutihan sa pamamagitan ng pagkaloob Niya kay San Juan Bautista sa kanila upang maging kanilang anak. 

Sa pamamagitan ng Kaniyang pagiging mapagpala, ipinapakita ng Diyos sa lahat ng nilalang ang Kaniyang kabutihan. Isinasalamin ng Kaniyang pagpapala ang Kaniyang kabutihan. Kaya naman, bilang tugon, nararapat lamang na lagi natin Siyang dakilain. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento