Martes kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikapitong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
1 Juan 4, 7-10/Salmo 71/Marcos 6, 34-44
Larawan: Juan de Flandes (1450–1519), Multiplicación de los panes y los peces (c. Between circa 1496 and circa 1504). Royal Palace of Madrid. Public Domain.
Nakasentro sa dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga Pagbasa. Buong linaw na isinasalungguhit na tunay nga Siyang mahabagin, maawain, at mapagmahal. Sa pamamagitan ng pagpapamalas ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa, ang Kaniyang kadakilaan ay nahahayag sa lahat. Hindi Siya napilitan gawin ito. Kusang-loob Niya itong ipinasiyang gawin.
Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang awa, habag, at pag-ibig sa limanlibo sa pamamagitan ng pagpaparami ng tinapay at isda. Bilang tugon sa pangangailangan ng limanlibo na nagtungo sa ilang na lugar upang makita Siya, ang limang tinapay at dalawang isda na dala ng mga alagad ay Kaniyang pinarami. Hindi hinayaan ng Poong Jesus Nazareno na magutom ang limanlibo na nagtungo sa ilang na lugar na yaon upang makita Siya. Ito ang dahilan kung bakit ipinasiya ng Poong Jesus Nazareno na gawin ang himalang ito na tunay ngang kahanga-hanga.
Buong linaw na inilarawan ni Apostol San Juan sa kaniyang pangaral na itinampok at inilahad sa Unang Pagbasa kung ano ang dapat gawin. Dapat tayong umibig gaya ng Diyos. Kinakailangan nating ibahagi ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos sa kapwa. Sa pamamagitan nito, isinasabuhay natin ang mga salita ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Pinaglilingkuran natin ang Diyos nang taos-puso. Ang mga taos-pusong naglilingkod sa Diyos ay dumarakila sa Kaniya.
Handog ng mga taos-pusong naglilingkod sa Diyos ang taos-pusong pagdakila. Ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos ay kanilang ibinabahagi sa pamamagitan ng kanilang taos-pusong paglilingkod sa Kaniya. Ito ang dapat nating gawin sa bawat oras at sandali bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento