04 Enero 2025
Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon
Ikalimang Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno
Isaias 60, 1-6/Salmo 71/Efeso 3, 2-3a. 5-6/Mateo 2, 1-12
Larawan: Anonymous - After Georg Pencz (1500–1550), Adoration of the Magi (c. 1530s). Wawel Cathedral. Public Domain.
Ang pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon ay nakatuon sa kaganapang itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo para sa maringal na pagdiriwang na ito. Sa salaysay na tampok sa Ebanghelyo para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, ang Banal na Sanggol na isinilang ng Mahal na Birheng Maria sa isang hamak na sabsaban noong sumapit ang gabi ng unang Pasko na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ay tumanggap ng taos-pusong pagdakila mula sa mga pantas na nagpasiyang maglakbay nang malayo mula sa kanilang kinaroroonan sa Silangan patungo sa Kaniyang kinaroroonan.
Para sa mga pantas, hindi naging hadlang ang distansya mula sa Silangan patungo sa kinaroroonan ng Banal na Sanggol na napakahaba. Hindi nila hinayaang pigilin sila ng napakahabang distansyang ito upang dakilain ang Banal na Sanggol. Ito ay dahil ang hangad ng mga pantas ay dakilain ang Banal na Sanggol. Bukal sa kanilang mga puso at loobin ang kanilang pasiyang dakilain ang Banal na Sanggol. Dahil dito, ipinasiya ng mga pantas na maglakbay nang malayo upang ang Banal na Sanggol ay handugan ng taos-pusong pagdakila. Ang mga dala nilang handog sa Banal na Sanggol na walang iba kundi ginto, kamanyang, at mira ay patunay na dalisay ang kanilang hangarin.
Ipinapaalala sa atin ng Simbahan sa maringal na pagdiriwang na ito na hindi hadlang ang lahi, lipi, wika, bayan, at bansa sa pagdakila sa Diyos. Mayroong pagkakataon ang lahat ng mga tao sa daigdig upang ang Diyos ay dakilain. Sabi sa Unang Pagbasa na mahahayag sa lahat ang kahanga-hangang kadakilaan at kaningningan ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang bayang hinirang na walang iba kundi ang Israel. Hindi ito ekslusibo at limitado sa isang lahi lamang. Bagkus, ito ay para sa lahat. Nakatuon sa katotohanang ito ang awit ng papuri ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Pati na rin si Apostol San Pablo ay nangaral tungkol sa katotohanang ito sa Ikalawang Pagbasa. Tayo ang magpapasiya kung gagamitin natin ang pagkakataong ito.
Hinangad ng mga pantas na handugan ang Banal na Sanggol na si Jesus Nazareno ng taos-pusong pagdakila. Ito rin nawa ang maging hangad natin bilang mga debotong misyonero ng Poong Jesus Nazareno na bumubuo sa tunay na Simbahang Kaniyang itinatag. Maging taos-puso at dalisay ang ating pagdakila sa Kaniya.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento