Biyernes, Disyembre 12, 2025

DINARAKILA SIYA NG MGA NAGLILINGKOD SA KANIYA NANG TAOS-PUSO

07 Enero 2026 
Miyerkules kasunod ng Pagpapakita ng Panginoon 
Ikawalong Araw ng Pagsisiyam sa Karangalan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno 
1 Juan 4, 11-18/Salmo 71/Marcos 6, 45-52 


"Huwag kayong matakot, si Hesus ito!" (Marcos 6, 50). Sa mga salitang ito ng Mahal na Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo nakasentro ang pagninilay ng Simbahan sa araw na ito. Ang mga salitang ito ay binigkas Niya sa mga alagad habang naglalakad Siya sa ibabaw ng tubig sa gitna ng matinding bagyo. Nagdulot Siya ng kanatagan ng loob sa mga alagad sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanila. Ipinamalas Niya sa kanila ang Kaniyang dakilang pag-ibig, habag, at awa sa pamamagitan nito. 

Nakasentro ang pangaral ni Apostol San Juan sa Unang Pagbasa sa pag-iibigan nang taos-puso bilang patunay ng ating taos-pusong pasiyang manalig, sumampalataya, umasa, at sumamba sa Diyos. Bilang mga bumubuo sa tunay na Simbahang itinatag mismo ng Poong Jesus Nazareno, dapat tayong mag-ibigan. Ipinapalaganap natin sa pamamagitan ng ating pasiyang mag-ibigan nang taos-puso ang dakilang pag-ibig, habag, at awa ng Diyos. Sa pamamagitan rin nito, ang mga salita ng na mang-aawit sa Salmong Tugunan ay atin ring isinasabuhay. 

Bilang mga deboto ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang Kaniyang pag-ibig, habag, at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga ay dapat nating ipalaganap. Ito ang magpapatunay na taos-puso natin Siyang pinaglilingkuran. Sa pamamagitan ng ating pasiyang paglingkuran Siya nang taos-puso, dinarakila natin Siya nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento