Huwebes, Enero 15, 2026

INIIBIG SIYA NG MGA DUMARAKILA SA KANIYA

16 Enero 2026 
Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II) 
1 Samuel 8, 4-7. 10-22a/Salmo 88/Marcos 2, 1-12 


"Pag-ibig Mong walang maliw ay lagi kong sasambitin" (Salmo 88, 2a). Buong linaw na inilarawan sa mga salitang binigkas ng mang-aawit sa Salmong Tugunan ang pag-ibig ng Diyos para sa tanan. Ang dakilang pag-ibig ng Diyos ay pinagninilayan nang buong kataimtiman ng Simbahan sa araw na ito. Kahit na sinasariwa ng Simbahan araw-araw ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nahayag sa lahat sa pamamagitan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na Kaniyang Bugtong na Anak na laging dumarating sa ating piling sa anyo ng tinapay at alak sa Sakramento ng Banal na Eukaristiya, ang dakilang pag-ibig na ito ng Diyos ay nararapat lamang pagnilayan. Sa gayon, hinding-hindi natin malilimot ang katotohanang ito tungkol sa Diyos. 

Sa Unang Pagbasa, iniutos ng Diyos ang Kaniyang propetang si Samuel na bigyan ng isang hari ang bayang Israel. Bagamat batid ng Diyos na inaayawan Siya ng bayang Kaniyang hirang, ipinakita pa rin Niya sa kanila ang Kaniyang pag-ibig. Tinanggap at ginalang ng Diyos ang kanilang hangarin at pasiyang magkaroon ng hari. Hindi Niya nilipol ang Kaniyang bayan dahil sa pasiya nilang ito. Pinagbigyan Niya sila, kahit na lubusan Siyang nasaktan. Sa Ebanghelyo, ipinakita ng Bugtong na Anak ng Diyos na dumating sa daigdig na ito bilang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas noong ang takdang panahon ay sumapit na walang iba kundi ang Panginoong Jesus Nazareno ang Kaniyang pag-ibig na tunay ngang dakila at kahanga-hanga. Ipinagkaloob Niya sa paralitikong dinala sa Kaniya ang biyaya ng kagalingang pisikal at espirituwal. 

Tunay nga tayong iniibig ng Poong Jesus Nazareno. Hindi Siya titigil sa pagpapamalas ng Kaniyang dakilang pag-ibig sa atin. Bilang tugon, dakilain natin nang taos-puso sa bawat sandali ng ating buhay ang Poong Jesus Nazareno. Pagsisihan at talikdan ang makasalanang pamumuhay. Ang landas ng kabanalan ay ating tahakin. Kapag ito ang ating ginagawa, ipinapahayag nating iniibig rin natin Siya nang taos-puso. Dinarakila si Jesus Nazareno ng mga umiibig sa Kaniya nang taos-puso. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento