Sabado, Enero 24, 2026

ANG TUNAY NA HARING DINARAKILA NATIN NANG TAOS-PUSO AY ANG TUNAY NA LIWANAG

2 Pebrero 2026 
Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo 
Malakias 2, 1-4/Salmo 23/Hebreo 2, 14-18/Lucas 2, 22-40 (o kaya: 2, 22-32) 


Nakatuon ang Kapistahan ng Pagdadala kay Jesus Nazareno na Panginoon sa Templo sa Kaniyang pagkakilanlan bilang tunay na liwanag. Ang tunay na liwanag ay higit na dakila kung ihahalintulad ito sa liwanag na dulot ng daigdig. Subalit, hindi lamang ito isang kakaibang liwanag. Bagkus, si Jesus Nazareno mismo ay ang tunay na liwanag. Kusang-loob na ipinasiya ni Jesus Nazareno na ipagkaloob ang Kaniyang sarili sa atin bilang tunay na liwanag na papawi sa kadilimang bumabalot sa atin. 

Sa Unang Pagbasa, inihayag ng Panginoong Diyos na darating ang takdang panahon kung kailan bigla Siyang darating sa Kaniyang templo (Malakias 3, 1). Nakasentro sa pagiging tunay na Hari ng Panginoong Diyos ang papuring awitin ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Ang katuparan ng pangakong binitiwan ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni Malakias na Kaniyang hirang na propeta sa Unang Pagbasa ay buong linaw na inilarawan sa pangaral ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo na itinampok at inilahad sa Ikalawang Pagbasa. Tinupad ng Diyos ang pangakong paulit-ulit Niyang binitiwan sa Lumang Tipan nang sumapit ang panahong itinakda Niya sa pamamagitan ng Kaniyang Bugtong na Anak na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno. Buong linaw na ipinamalas ng Diyos sa tanan ang Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila sa pamamagitan ng gawang ito na tunay ngang kahanga-hanga. Sa Ebanghelyo, ipinahayag nang buong linaw ni Simeon na ang Banal na Sanggol na kalong niya sa mga sandaling yaon na walang iba kundi ang Nuestro Padre Jesus Nazareno ay ang tunay na liwanag. Nahayag sa lahat nang buong linaw sa pamamagitan Niya ang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na tunay ngang dakila at kahanga-hanga.

Dahil sa Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa na tunay ngang dakila at kahanga-hanga, ipinasiya ng tunay na Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno na ipagkaloob sa atin ang Kaniyang sarili bilang tunay na liwanag. Hindi na tayo mga alipin ng kadiliman dahil sa Kaniya. Siya na mismo ang pumawi sa dilim na bumabalot sa tanan. Kaya naman, bilang tugon, lagi natin dapat Siyang patuluyin sa ating buhay bilang ating Hari. Ang mga nagpapatuloy at tumatanggap sa Kaniya nang may taos-pusong kababaang-loob ay dumarakila sa Kaniya nang taos-puso. Ito ang nararapat gawin bilang mga deboto ng tunay na Hari na walang iba kundi ang Poong Jesus Nazareno.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento