23 Enero 2026
Biyernes ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
1 Samuel 24, 3-21/Salmo 56/Marcos 3, 13-19
Ang paghirang ng Poong Jesus Nazareno sa 12 apostol ay itinampok at inilahad sa salaysay sa Ebanghelyo. Bilang Kaniyang mga apostol, ibabahagi sa kanila ng Poong Jesus Nazareno ang lahat ng mga aral na kanila namang ibabahagi sa lahat ng tao sa lupa pagdating ng takdang panahon. Huhubugin sila ng Poong Jesus Nazareno bilang paghahanda para sa pagtupad ng misyong ibibigay Niya sa kanila. Kapag natapos na Niyang tuparin ang Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos na kusang-loob na isinugo ng Diyos sa lupa upang iligtas ang sangkatauhang namuhay bilang mga alipin ng kasalanan sa pamamagitan ng Kabanal-Banalan Niyang Krus at Muling Pagkabuhay, sila naman ang magmimisyon. Matapos tanggapin nang buong galak ang Espiritu Santo sa Pentekostes, sisimulan nila ang pagsaksi sa Panginoon.
Inilarawan sa Unang Pagbasa at Salmong Tugunan kung ano ang misyong ibibigay sa mga apostol pagdating ng araw. Sa Unang Pagbasa, si Haring David ay nagpakita ng habag at awa sa nagbanta sa kaniyang buhay na walang iba kundi si Haring Saul na nakaluklok sa trono bilang hari sa mga sandaling yaon. Pinatunayan ni Haring David sa pamamagitan na wala siyang balak agawin ang trono mula kay Haring Saul. Hindi uhaw sa kapangyarihan si Haring David. Bagkus, habang si Saul ay hari pa ng Israel, buong katapatan siyang paglilingkuran ni David na hahalili sa kaniya bilang hari. Ang pagiging mahabagin at maawain ng Diyos ay buong linaw na isinalungguhit ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan. Tunay nga Siyang maawain at mahabagin sa tanan. Kusang-loob na idudulot ng Diyos ang Kaniyang habag at awa na tunay ngang dakila sa mga hihingi nito nang may taos-pusong kababaang-loob.
Hinirang ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang mga apostol upang ipalaganap sa tanan ang Kaniyang habag at awa na tunay nga namang dakila at kahanga-hanga sa pamamagitan ng pagsaksi sa Kaniya sa bawat panig at sulok ng daigdig. Patuloy na isinasakatuparan ng Simbahan ang misyong ito na ibinigay sa mga apostol.
Dinarakila nang taos-puso ang Poong Jesus Nazareno ng lahat ng mga nagbabahagi ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa. Sa pamamagitan ng pagbabahagi at pagpapalaganap ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, biyaya, habag, at awa, ang Poong Jesus Nazareno ay ipinapakita at ipinapakilala nila sa tanan. Ito ang gawain ng tunay na deboto ng Poong Jesus Nazareno.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento