25 Enero 2026
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Isaias 8, 23b-9, 3/Salmo 26/1 Corinto 1, 10-13. 17/Mateo 4, 12-23 (o kaya: 4, 12-17)
Screenshot: 29 DISYEMBRE 2025 (LUNES) | PABIHIS sa MAHAL na POONG JESUS NAZARENO (Quiapo Church YouTube Channel).
Ang mga Pagbasa para sa Linggong ito ay nakatuon sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos. Ipinamalas Niya ito sa lahat sa pamamagitan ng Poong Jesus Nazareno. Dumating ang Poong Jesus Nazareno sa daigdig upang ipamalas ang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos na tunay ngang kahanga-hanga at dakila sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Kahit na walang makakapantay o makahihigit sa Kaniya dahil Siya mismo ay ang pinakadakila sa lahat, ipinasiya pa rin ng Poong Jesus Nazareno na bumaba mula sa langit upang maging ipinangakong Mesiyas at Manunubos ng lahat.
Sa Unang Pagbasa, ipinakilala bilang tunay na liwanag na magliligtas sa lahat ng mga namumuhay bilang mga alipin ng kadiliman ang ipinangakong Mesiyas. Dahil sa pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa ng Diyos, darating Siya sa mundo sa takdang panahon upang idulot sa lahat ng tao ang biyaya ng tunay na liwanag at kaligtasang tanging sa Kaniya lamang nagmumula sa pamamagitan ng ipinangakong Mesiyas at Manunubos na walang iba kundi ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Nakasentro sa dakilang biyayang ito ng Diyos ang mga salita ng mang-aawit sa Salmong Tugunan. Buong linaw namang isinalungguhit ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na hindi dapat ipagpalit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno. Wala Siyang dapat maging kaagaw. Kailangan Siyang dakilain nang taos-puso.
Tampok sa salaysay sa Ebanghelyo ang simula ng ministeryo ni Jesus Nazareno. Sa simula ng Kaniyang pampublikong ministeryo, buong linaw Niyang isinalungguhit ang halaga ng taos-pusong pagsisisi sa kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Dalisay na puso at loobin ang hanap ng Diyos sa atin. Ito ang dapat nating ihandog sa Kaniya na kusang-loob na nagpasiyang si Jesus Nazareno ay isugo sa lupa upang idulot sa ating lahat ang tunay na liwanag at kaligtasan.
Dinarakila natin ang kusang-loob na nagkaloob ng buo Niyang sarili para sa ikaliligtas ng tanan. Hindi Siya natakot bumaba mula sa langit upang tayong lahat ay tubusin sa pamamagitan ng Kaniyang Krus na Banal at Muling Pagkabuhay. Bagkus, bumaba sa lupa upang iligtas tayong lahat mula sa mga puwersa ng kadiliman at kasalanan ang Mahal na Poong Jesus Nazareno na dinarakila natin nang taos-puso. Patunay lamang ito ng Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.
Kung paanong hindi ipinagkait ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ang Kaniyang sarili sa atin dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa, huwag nating ipagkait sa Kaniya ang ating mga abang sarili. Pagsisihan natin at talikdan ang makasalanang pamumuhay at magbalik-loob tayo sa Kaniya. Hayaan nating dalisayin at pabanalin Niya ang ating mga puso at loobin. Ito ang magpapatunay na ang ating debosyon at pamamanata sa Kaniya ay taos-puso.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento