30 Enero 2026
Biyernes ng Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
2 Samuel 11, 1-4a. 5-10a. 13-17/Salmo 50/Marcos 4, 26-34
SCREENSHOT: 07 January 2026 (Miyerkules) | PABIHIS sa MAHAL na POONG JESUS NAZARENO (Quiapo Church YouTube channel)
Marahil mapapatanong ang ilan sa atin tungkol sa ugnayan ng mga ito sa isa't isa. Sa unang tingin, parang wala namang kinalaman ang mga talinghagang isinalaysay ng Poong Jesus Nazareno sa mga tao sa Ebanghelyo. Ano ang ugnayan ng mga binhing itinanim sa lupa sa kasalanan ni Haring David sa Unang Pagbasa? Tila wala sa lugar ang aral na itinuro ng Poong Jesus Nazareno sa Ebanghelyo sa temang isinalungguhit sa Unang Pagbasa at sa Salmong Tugunan. Nagmumukhang pinili na lamang ito dahil wala nang natitirang oras at kailangan nang ipalathala.
Inilarawan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno nang buong linaw sa pamamagitan ng mga talinghagang Kaniyang isinaysay sa mga tao sa Ebanghelyo ang bukod-tanging dahilan kung bakit Siya naparito. Naparito ang Mahal na Poong Jesus Nazareno nang kusang-loob upang tayong lahat ay dakilain, katulad ng mga binhing itinanim sa lupa sa Ebanghelyo. Ang mga ito ay hindi nanatiling mga binhi. Bagkus, nang sumapit ang takdang panahon, naging mga malalaking puno ang mga binhing ito.
Upang magawa ito, kinailangan ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na bumaba mula sa langit. Iniwan Niya nang pansamantala ang Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit taglay ang taos-pusong kababaang-loob upang tayong lahat ay gawing dakila. Hindi Niya pinabayaang mapahamak tayong lahat nang tuluyan dahil tayong lahat ay nalugmok sa kasalanan. Bagkus, ipinasiya Niya tayong iligtas upang tayong lahat ay gawing dakila katulad Niya. Patunay lamang ito ng Kaniyang pag-ibig, habag, at awa.
Dahil sa Kaniyang dakilang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa para sa tanan, bumaba mula sa langit ang Mahal na Poong Jesus Nazareno upang ang bawat isa sa atin ay gawing dakila sa pamamagitan ng pagligtas sa atin. Ito ang bunga ng Banal na Krus at Muling Pagkabuhay ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. Tayong lahat ay may pagkakataong maging banal at dakila dahil ito ang nais Niyang gawin sa atin. Nais ng Mahal na Poong Jesus Nazareno na gawin tayong banal at dakila katulad Niya.
Kung ang ating debosyon at pamamanata sa Panginoong Hesukristo, ang Nazareno, ay tunay ngang bukal sa ating mga puso at kalooban, bubuksan natin ang ating mga puso at sarili sa biyaya ng pagbabagong Kaniyang dulot. Pahihintulutan natin Siyang baguhin tayo upang tayong lahat ay Kaniyang gawing banal at dakila katulad Niya na Siya na may ibig isagawa ito. Ito ang magpapatunay na tunay ngang bukal sa puso at loobin ang ating debosyon sa Kaniya. Ang mga tunay na deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno ay laging nagbubukas ng puso at sarili sa Kaniya at sa Kaniyang mga utos at loobin. Tapat silang nakikinig at sumusunod sa Kaniya. Sa pamamagitan nito, dinarakila nila Siya nang taos-puso.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento