18 Enero 2026
Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol (A)
Isaias 9, 1-6/Salmo 97/Efeso 1, 3-6. 15-18/Mateo 18, 1-5. 10
Larawan: Francisco Camilo (–1673), The Infant Jesus as Victor over Sin and Death (c. Between 1640 and 1670). Museo de Arte de Ponce. Public Domain.
Inilaan para sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Panginoong Jesus Nazareno, ang Banal na Sanggol, na mas kilala sa tawag na Santo Niño, ang ikatlong Linggo ng buwan ng Enero. Tanging sa Simbahan sa Pilipinas lamang ito ipinagdiriwang. Buong linaw na inilarawan ng mga imahen ng Santo Niño ang kababaang-loob ng Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo. Noong sumapit ang takdang panahon, kusang-loob na nagdesisyong bumaba mula sa Kaniyang kaharian sa langit ang Bugtong na Anak ng Diyos na Siya ring Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo at naging isang hamak na sanggol na lalaki na isinilang ng Birheng Maria sa isang sabsaban sa Betlehem noong gabi ng unang Pasko. Kahit na Siya mismo ay ang pinakadakila sa lahat, ipinasiya ng Mesiyas at Manunubos na nagmula sa langit na magpakumbaba. Hindi kayabangan kundi kababaang-loob ang ipinakita ng Panginoong Jesus Nazareno.
Kaya naman, nasabi ng Poong Jesus Nazareno ang mga salitang Kaniyang binigkas sa mga apostol bilang tugon sa kanilang tanong tungkol sa pinakadakila sa kaharian ng langit sa Ebanghelyo dahil una Niya itong ginawa. Ipinaalala Niya sa kanila kung saan Siya nagmula. Nagmula Siya sa langit. Subalit, sa kabila ng kadakilaang taglay Niya bilang tunay na Diyos at Hari, buong kababaang-loob Niyang ipinasiyang bumaba sa daigdig at pagdaanan ang bawat yugto ng buhay ng bawat tao alang-alang sa bawat isa sa atin. Patunay ito ng Kaniyang pag-ibig, kagandahang-loob, habag, at awa.
Dahil sa kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, ang propesiyang inilahad sa Unang Pagbasa mula sa ikasiyam na kabanata ng aklat ng propetang si Isaias ay natupad. Nang matupad ang nasabing propesiya na inilahad sa Unang Pagbasa, ang ipinahayag ng mang-aawit na tampok sa Salmong Tugunan ay tinupad rin Niya. Ang bunga nito ay inilarawan sa pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa. Sa pamamagitan ng kababaang-loob ng Nuestro Padre Jesus Nazareno, itinalaga tayong lahat bilang mga anak ng Diyos (Efeso 1, 4-5). Ipinasiya ng Diyos na ibilang tayo sa Kaniyang pamilya. Tayong lahat ay naging bahagi ng Kaniyang pamilya.
Bumaba mula sa langit ang Poong Jesus Nazareno upang tayong lahat ay iligtas sa pamamagitan ng Kaniyang Banal na Krus at Muling Pagkabuhay. Subalit, bago Niya harapin ang Krus at Muling Pagkabuhay, dumaan muna Siya sa pagiging isang bata. Dinaanan Niya ang yugto ng kabataan dahil ito ay bahagi ng Kaniyang misyon bilang ipinangakong Mesiyas at Manunubos. Ito ang isinasagisag ng mga imahen at larawan ng Santo Niño.

Walang komento:
Mag-post ng isang Komento