Biyernes, Enero 23, 2026

DINARAKILA SIYA NANG TAOS-PUSO NG MGA MABABANG-LOOB

1 Pebrero 2026 
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon (A) 
Sofonias 2, 3; 3, 12-13/Salmo 145/1 Corinto 1, 26-31/Mateo 5, 1-12a 

SCREENSHOT: #QuiapoChurch 3PM LIVE ONLINE MASS • 18 JANUARY 2026 • Feast of the STO. NIÑO (Quiapo Church YouTube channel) 


Ang pangaral ng Nuestro Padre Jesus Nazareno tungkol sa mga tunay na mapalad sa paningin ng Diyos ay itinampok at inilahad sa Ebanghelyo. Bagamat nahahati sila sa walong pangkat, isa lamang ang katangiang kanilang ipinahahayag. Kababaang-loob na taos-puso ang kanilang inihahayag. Ito ang dahilan kung bakit kinalulugdan sila ng Diyos. Tunay ngang nalulugod nang lubos ang Diyos na Kataas-taasan sa mga taong inilarawan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Kaniyang pangaral sa Ebanghelyo sa Linggong ito. Sa pamamagitan ng kanilang kababaang-loob, dinarakila nila nang may taos-pusong kababaang-loob ang Kataas-taasang Diyos. 

Inilarawan sa Unang Pagbasa, Salmong Tugunan, at Ikalawang Pagbasa kung gaano kalaki ang tuwa ng Diyos sa tuwing ang mga mababang-loob ay Kaniyang nasisilayan mula sa Kaniyang maringal na trono sa Kaniyang maluwalhating kaharian sa langit. Lubusang natutuwa sa mga mababang-loob ang Diyos dahil taos-puso ang kanilang pagdakila sa Kaniya. Kaya nga, buong linaw na hinimok ang mga mababang-loob na hanapin at lapitan ang Diyos sa Unang Pagbasa. Buong linaw na inihayag sa Salmong Tugunan ang pasiya ng Diyos na maging hari ng mga mababang-loob. Dahil dito, may maaasahan ang mga may kababaang-loob sa bawat sandali. Ang tunay na Hari na walang iba kundi ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang maaasahan sa bawat oras at sandali ng kanilang pansamantalang paglalakbay sa daigdig. Nakatuon ang pangaral ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa sa pasiya ng Diyos na maging malapit sa lahat ng mga mababang-loob. Sa pamamagitan ng pagpili, paghirang, at pagtalaga sa kanila, buong linaw Niyang inihayag na nalulugod Siya sa kanila. 

Nalulugod nang lubos sa mga mababang-loob ang Diyos. Bukal sa kanilang mga puso at loobin ang kanilang pagdakila sa Kaniya. Ang Diyos ay palagi nilang dinarakila nang taos-puso sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Ito ang dapat nating gawin bilang mga deboto ng Mahal na Poong Jesus Nazareno. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento