Agosto 15, 2015
Dakilang Kapistahan ng Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria (B)
Pahayag 11, 19a; 12, 1-6a. 10ab/Salmo 44/1 Corinto 15, 22-27/Lucas 1, 39-56
May apat na dogma ang Santa Iglesia patungkol sa Mahal na Birheng Maria. Ang una ay si Maria bilang Ina ng Diyos. Ipinahihiwatig ng dogmang ito na si Maria ay ang Ina ng Panginoong Hesukristo, ang Diyos na nagkatawang-tao at namuhay bilang taong tulad natin, maliban na lamang sa kasalanan. Ang pangalawang dogma ay ang pananatiling birhen ni Maria, kahit na isinilang niya si Hesus. Hindi nagwakas ang pagka-birhen ni Maria sa pagsilang ni Hesus. Sa kapangyarihan ng Diyos, si Maria ay nanatiling birhen, kahit na siya ay nagdalantao at nagsilang kay Kristo.
Ang pangatlo ay ang Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria (Inmaculada Concepcion), ang doktrina tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa Mahal na Ina bago pa siya isilang ni Santa Ana. Sa gayon, hindi nadungisan ng kasalanan ang Mahal na Ina noong siya'y ipinanganak ni Santa Ana. At ang pang-apat naman ay ang Pag-Aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Si Maria'y iniakyat ng Diyos sa langit nang buong katawan at kaluluwa noong matapos ang kanyang buhay dito sa sanlibutan.
Sa apat na doktrinang ito tungkol sa Mahal na Ina ay ipinagdiriwang natin ngayong ang Pag-Aakyat sa Mahal na Birheng Maria. Siya'y iniakyat, buong katawan at kaluluwa, sa langit. Malaki ang pinagkaiba nito sa Pag-Akyat ni Hesus sa Langit. Si Hesus ay umakyat sa langit sa Kanyang kapangyarihan. Dahil sa kapangyarihan ni Hesus bilang Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, si Hesus ay umakyat sa langit. Ang Mahal na Birheng Maria ay hindi diyosa. Kaya lang siya nakaakyat sa langit ay dahil sa kapangyarihan ng Diyos. Inakyat ng Diyos ang Mahal na Birheng Maria sa langit sa katapusan ng kanyang buhay.
Pinaglingkuran ng Mahal na Birheng Maria ang Panginoong Diyos buong buhay niya. Wala siyang ibang hinangad kundi ang paglingkuran ang Diyos. Buong pagpapakumbabang pinaglingkuran niya ang Diyos. Noong ibinalita sa kanya ni San Gabriel Arkanghel na siya ang magiging ina ni Kristo, ang sagot ni Maria ay, "Narito ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo." (Lucas 1, 38) Para kay Maria, hindi lamang karangalan ang pagiging ina ni Kristo. Bagkus, pananagutan din ito sa Diyos. Ang pagiging Ina ni Kristo ay isang pananagutan sa Diyos para kay Maria.
Hinarap ni Maria ang bawat pagkakataon sa buhay nang may buong pananalig sa buhay. Nananalig siya sa Diyos at inaasahan din niya ang presensya at pagtulong sa kanya ng Diyos. Alam ng Mahal na Inang Maria na hindi niya kakayananin ang buhay kundi ang Diyos. Alam ni Maria na kung wala ang Diyos, hindi niya magagawa ang lahat ng bagay.
Dahil sa pagpapakumbaba at pagpapakatao ni Maria, itinaas siya ng Diyos. Idinakila ng Diyos si Maria. Katulad ng sinabi ni Maria sa kanyang awit: "Tinanggal (ng Diyos) sa kanilang luklukan ang mga maykapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan." (Lucas 1, 52) Ganun din ang itinuturo ni Hesus. Sa pagtuturo tungkol sa mapapalad, sinabi ni Hesus, "Mapalad ang mga aba na walang ibang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat mapapasakanila ang kaharian ng langit." (Mateo 5, 3)
Pagkahirang sa kanya ng Diyos bilang Ina ng Mesiyas, hindi lumaki ang ulo ni Maria. Hindi siya naging mayabang. Bagkus, tumungo siya sa kanyang kamag-anak na si Elisabet na mas kilala natin bilang si Santa Isabel. Pinaglingkuran ng Mahal na Ina si Santa Isabel, kahit ang dinadala niya ay higit na dakila kaysa sa dinadala ng kanyang kamag-anak sa kani-kanilang sinapupunan.
Hindi rin nakalimutan ng Mahal na Birheng Maria ang Diyos. Naaalaala pa rin niya ang Diyos. Lagi niyang natatandaan ang Diyos. Hinding-hindi niya nakalimutan ang Diyos, kahit kailan. Alam ni Maria na ang Diyos ang dumakila sa kanya. Alam ni Maria na ang Diyos ang dahilan kaya siya ay tatawaging banal ng lahat ng salinlahi (Lucas 1, 48). Kaya, laging pinupuri ni Maria ang Diyos. Hindi tumitigil si Maria sa pagbibigay ng papuri sa Diyos.
Nakakalungkot na paminsan-minsan, kapag matagumpay tayo sa buhay, hindi natin inaalaala ang Diyos. Kapag tayo ay umaangat sa buhay, lumalaki ang ating mga ulo at wala nang halaga ang Diyos sa ating buhay. Tularan natin si Maria, ang ating Mahal na Ina, sapagkat lagi niyang inaalala at pinupuri ang Diyos, kahit na siya ay dinakila niya.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento