Agosto 9, 2015
Ikalabinsiyam na Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
1 Hari 19, 4-8/Salmo 33/Efeso 4, 30-5, 2/Juan 6, 41-51
Ang Ebanghelyo natin ngayon ay ang pagpapatuloy ng diskurso ni Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Muling ipinapakilala ni Hesus na Siya ang Tinapay ng Buhay na ibinigay ng Ama. Si Hesus ay hindi tulad ng manna na kinain ng mga ninuno ng Kanyang mga tagapakinig. Bagkus, higit pa si Hesus sa manna ng Lumang Tipan. Kayang-kayang pawiin ni Hesus ang mga matitinding kagutuman at kauuhawan, hindi lamang pampisikal kundi pati na rin ang mga espirituwal na kagutuman at pagkauhaw.
Hindi makapaniwala ang mga tagapakinig ni Hesus. Noong marinig ng mga Hudyo ang mga sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang Sarili, nagbulung-bulungan sila at nagtatalu-talo. Para sa kanila, naloloko na si Hesus. Kilalang-kilala nila kung sino si Hesus at kung sino ang mga kamag-anak Niya. Kilala nila ang Kanyang ama-amahang si San Jose at ang Kanyang Mahal na Inang si Maria. Imposible para sa kanila na paniwalaan ang mga winika ni Hesus tungkol sa Kanyang sarili. Ayon sa kanila, kalokohan at katarantaduhan ang ipinapalaganap ni Hesus. Nawawala na si Hesus sa Kanyang sarili, nasisiraan na Siya ng bait.
Subalit, patuloy na nangangaral si Hesus tungkol sa Tinapay ng Buhay. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa mga tao bilang Tinapay ng Buhay. Ang Tinapay ng Buhay, si Hesus, ay nanggaling sa Ama. Bilang Tinapay ng Buhay, pinapawi ni Hesus ang mga matitindi at malalalim na kagutuman ng mga tao. Hindi Siya pangkaraniwang pagkaing kinakain ng mga tao. Bagkus, si Hesus ay ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kung ang mga tinapay at anumang pagkaing kinakain natin ay napapanis, si Hesus ay hindi mapapanis kahit kailan.
Ang pagkaing nagbibigay-buhay na si Hesus ay hindi pansamantala lamang. Hindi Siya katulad ng mga pagkaing kinakain natin. Ang mga pagkaing kinakain natin ay nagpapahaba ng buhay, subalit hindi ito nagkakaloob ng buhay na walang hanggan. Pansamantala lamang ang pagkain na kinakain natin dito sa mundo. Subalit, ang buhay dulot ni Hesus ang pang-walang hanggan. Si Hesus lamang ang makapagkakaloob ng buhay na walang hanggan.
Tuwing ipinagdiriwang natin ang Banal na Misa, tinatanggap natin ang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesukristo. Sa Banal na Konsekrasyon, ang ostiya at ang alak ay nagiging Katawan at Dugo ni Kristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya, sa Banal na Komunyon, hindi na tinapay at alak ang tinatanggap natin. Bagamat ang itsura at lasa ay tinapay at alak pa rin, si Hesus pa rin iyon. Ang tawag doon ay transubstansiyasyon. Sa Banal na Misa, ang sangkap ng tinapay at alak ay nagbago, hindi ang anyo.
Kapag sinasabi sa atin ng pari sa Banal na Komunyon, "Katawan ni Kristo," ang sagot natin ay, "Amen." Ang ibig sabihin ng "Amen" ay "Oo." Sa pamamagitan ng pagsagot ng "Amen," sinasabi natin na tayo ay naniniwala na hindi lamang tinapay at alak ang ating tinatanggap. Ang Panginoon na ang ating tinatanggap. Hindi na pangkaraniwang tinapay at alak ang ating tinatanggap at kinakain. Bagkus, ang tinatanggap natin sa Banal na Komunyon ay si Kristo, ang Panginoong nagbibigay-buhay sa Banal na Eukaristiya. Tayo ay binibigyan ni Kristo ng buhay sa pamamagitan ng Kanyang Katawan at Dugo.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento