Agosto 23, 2015
Ikadalawampu't Isang Linggo sa Karaniwang Panahon (B)
Josue 24, 1-2a. 15-17. 18b/Salmo 33/Efeso 5, 21-32/Juan 6, 60-69
Ngayong Linggo ang huling araw ng Linggo ng Taon B kung kailan mapapakinggan natin ang ikaanim na kabanata ng Ebanghelyo ni San Juan sa Ebanghelyo ng Lingguhang Banal na Misa. Ang ating Ebanghelyo ngayong Linggo ay tungkol sa pag-alis ng mga tao. Tumalikod ang mga tao kay Hesus dahil para sa kanila, loko-loko si Hesus. Nawawala si Hesus sa Kanyang sarili dahil sa mga turo Niya tungkol sa pagkain sa Kanyang Katawan at Dugo. Ayon kay Hesus, ang Kanyang Katawan at Dugo ang makapagbibigay ng buhay na walang hanggan. Bilang mga Kristiyano, tayo ay sumasampalataya at nananalig sa tunay na presensya ni Kristo sa Banal na Eukaristiya sa anyo ng tinapay at alak.
Ang akala ng mga tagapakinig ni Hesus ay nawawala na Siya sa Kanyang sarili. Hinangaan si Hesus ng mga tao dahil sa Kanyang mga talinghaga at mga himalang nasaksihan nila. Subalit, kakaiba ang tinuturo ni Hesus. Ngayon lamang sila nakarinig ng dalubhasang nagtuturo ng ganito. Sino nga ba ang kakain ng laman ng tao at iinom ng dugo ng tao?
Maaari sanang sabihin ni Hesus, "Patalinghaga lamang ang mga sinabi Ko tungkol sa Aking laman at dugo. Ipapaliwanag Ko sa inyo kung ano ang ibig sabihin ng mga sinabi Ko." Pwede sanang sabihin iyon ni Hesus dahil naloloko na ang mga tao sa Kanya. Maaaring sabihin ni Hesus na Siya ay nagbibigay ng talinghaga. Mawawalan ng mga tagasunod si Hesus kung hindi Niya sinabi iyon. Pero, hindi iyon ang sinabi ni Hesus. Bagkus, ang unang tanong ni Hesus sa Kanyang mga tagapakinig, "Dahil ba rito'y tatalikuran ninyo ako?"
Para sa mga tagapakinig ni Hesus, sumusobra na Siya. Napakabigat ng mga salitang binitiwan Niya. Hindi nila kayang tanggapin ang diskurso ng Panginoon. Napakahirap para sa kanila na tanggapin si Kristo bilang pagkain at inuming nagbibigay-buhay. Hindi nila matanggap na ang pagkaing nagbibigay-buhay ay wala sa mga pagkaing matagpuan nila sa mundo. Matatagpuan lamang iyon sa katauhan ng Panginoong Hesukristo.
Hindi naparito si Hesus upang maging kalugud-lugod sa mata ng tao. Si Hesus ay naparito upang ipahayag ang katotohanang mula sa Diyos. Kaya, maraming pagkakataon kung kailan hinahangaan ng mga tao si Hesus at marami ding mga pagkakataon kung kailan nagagalit ang mga tao kay Hesus. Noong Siya ay nangaral sa Nazaret, hindi Siya tinanggap ng mga kababayan. Hindi tinanggap si Hesus ng Kanyang mga kababayan sa Nazaret dahil hindi nila matanggap na Siya ay higit pa sa kanila - Siya ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas.
Dahil sa mga tinuturo ni Hesus, karamihan sa Kanyang mga tagasunod ay tumalikod sa Kanya. Iniwanan nila si Hesus sapagkat hindi nila kayang tanggapin ang Kanyang mga turo. Para sa kanila, napakahirap intindihin ang mga salita ni Hesus. Paano nga bang makapagkakaloob ng buhay na walang hanggan si Hesus, gayong kilala nila Siya bilang anak ng karpinterong taga-Nazaret na si San Jose at ng dalagang si Maria? Iyan ang dahilan kaya nila tinalikuran si Hesus.
Ang tanong ni Hesus sa Labindalawa, "Ibig din ba ninyong umalis?" Hindi Niya pipilitin ang Labindalawang alagad na manatiling kasama Niya. Alam Niyang hindi maunawaan ng mga alagad ang Kanyang mga itinuturo. Binibigyan Niya ng kalayaan ang mga alagad. Malaya ang kanilang kalooban. Hindi mapilit si Hesus. Bagkus, iginagalang ni Hesus ang kalayaan ng Labindalawang alagad.
Patuloy Niya itong tinatanong sa atin, "Ibig din ba ninyong umalis? Ibig din ba ninyo Akong iwanan at talikuran?" May kalayaan tayo. Hindi tayo pipilitin ni Hesus. Iginagalang Niya ang ating kalooban at kalayaan. Si Hesus ay hindi isang diktador. Hindi mang-aapi si Hesus. Bagkus, binibigyan tayo ng kalayaan upang mamili ng kabutihan at kasamaan. Nasa ating mga kamay ang desisyon kung tayo ay mananatiling tagasunod ni Hesus o umalis at iwanan si Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento