Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon
Dakilang Kapistahan ng Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (B)
Daniel 7, 13-14/Salmo 92/Pahayag 1, 5-8/Juan 18, 33b-37
Bahagi ng salaysay ng Pagpapakasakit ng Panginoong Hesukristo na pinapakinggan natin tuwing Mahal na Araw (lalung-lalo na tuwing Linggo ng Palaspas at Biyernes Santo) ay ang paghaharap nina Hesus at Poncio Pilato. Sa Ebanghelyo nina San Mateo, San Marcos, at San Lucas, maiksi lamang ang naging usapan nina Hesus at Pilato. Tinanong lamang ni Pilato si Hesus nang ganito, "Ikaw ba ang Hari ng mga Hudyo?" Ang tugon ni Hesus sa katanungan ni Pilato, ayon sa tatlong manunulat na ito, "Ikaw na ang nagsasabi."
Subalit, kakaiba ang salaysay ni San Juan patungkol sa harapan nina Hesus at Pilato. Mas mahaba pa ang naging usapan nina Hesus at Pilato sa Ebanghelyo ni San Juan kung ikukumpara natin ang naging usapan nina Hesus at Pilato sa mga Ebanghelyo nina San Mateo, Marcos, at Lucas. Mas maraming detalye ang naging usapan nina Hesus at Pilato noong sila'y nagkaharap sa loob ng palasyo ni Pilato sa salaysay ni San Juan tungkol sa Pasyong Mahal.
Noong nagkaharap ang Panginoong Hesus at si Poncio Pilato, ayon kay San Juan, isang katanungan ang naging tugon ni Hesus sa katanungan ni Pilato sa Kanya. Tinanong ni Pilato si Hesus kung Siya nga ba talaga ang Hari ng mga Hudyo. Isang tanong ang naging kasagutan ni Hesus sa katanungan ni Pilato sa Kanya. Ang tanong ni Hesus kay Pilato, "Iyan ba'y galing sa iyong sariling isipan, o may ibang nagsabi sa iyo?" Kakaiba ito, si Hesus na nga ang nasasakdal, si Hesus pa rin ang nagtatanong kung saan ang basehan ng tanong ni Pilato sa Kanya. Laking gulat siguro si Pilato nang marinig niya ang sagot ni Hesus.
Isang malaking abala lamang si Hesus para kay Pilato. Wala siyang pakialam kung ano ang mangyari kay Hesus. Alam nga ni Pilato na dinala sa kanya si Hesus dahil sa problemang panrelihiyon. Hindi naman magiging malaking abala sa Roma ang problema ng mga Pariseo at mga eskriba kay Hesus. Kaya, nang marinig ni Pilato ang sagot ni Hesus, may halong gulat at inis ang reaksyon ni Pilato. Nagulat siya dahil sa sagot ni Hesus - Siya na nga ang nasasakdal, Siya pa ang nagtatanong ng ganun. Nainis din si Pilato dahil naaksaya lamang ang kanyang panahon sa kanyang pakikialam sa problemang ito.
"Ako ba'y Hudyo? Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang siyang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?" Dito nating makikita na naiinis na si Pilato. Ayaw niyang makisawsaw o makihalo sa kaguluhang ito. Ang nais lamang niyang asikasuhin ay ang Emperador ng Roma na si Cesar. Sinakop ng mga Romano ang Israel noong kapanahunang yaon. Tapos, nasasangkot na siya sa kaguluhang ito? Uminit ang ulo ni Pilato nang marinig ang sagot ni Hesus. Ang gusto ni Pilato ay tapusin ang kaguluhang ito agad-agad.
Kakaiba na naman ang tugon ni Hesus. Bagamat hindi diretsyo ang Kanyang pag-amin, inamin ni Hesus na may kaharian Siya. Subalit, kakaiba rin ang kaharian ng Panginoong Hesukristo. Ang kaharian ni Kristo ay hindi katulad ng iniisip ni Pilato. Hindi ito isang kaharian ng paghihimagsik, rebolusyon, o kaya'y pulitiko. Wala ring karahasan o katiwalian sa kaharian ni Kristo. Bagkus, ang kaharian ni Kristo ay isang kaharian ng kapayapaan, ng awa at habag, at ng pagmamahal. Banal at dakila ang kaharian ng Panginoon. Ang kaharian ng Panginoon ay isang perpektong kaharian, isang kahariang hindi makamundo.
Mahirap para kay Poncio Pilato na isalarawan sa kanyang isipan ang kahariang tinutukoy ni Hesus. Hindi niya maintindihan ang kaharian ni Hesus. Ang daming karahasan at katiwaliang nagaganap sa pulitiko. Noong kapanahunang yaon, nakaranas din siguro ng karahasan at katiwalian sina Poncio Pilato, ang mga Romano, at ang mga Israelita. Maraming mga Israelita ang naghihimagsik laban sa imperyo ng Roma sa Israel. Karahasan sa pamamagitan ng mga Israelita at ng mga Romano ay nagbunga dahil dito.
Dahil hindi maunawaan ni Pilato ang mga sinabi ni Hesus tungkol sa Kanyang kaharian, tinanong na niya ng diretsyo si Hesus kung talaga bang hari Siya. Ang sagot ni Hesus, "Kayo na po ang nagsasabing Ako'y isang hari. Ito ang dahilan ng Aking pagsilang dito sa daigdig na ito - upang magpatotoo sa katotohanan. Ang sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa Aking tinig." Walang katiwalian ang kaharian ni Hesus. Hindi Siya manloloko. Bagkus, isang tunay at totoong hari ang Panginoong Hesukristo. At bilang isang hari at pinuno, Siya'y nasa panig ng katotohanan at katuwiran.
Walang katulad at hindi mapapantayan ang pagkahari ng Panginoong Hesus. Bilang hari at pinuno, si Hesus ay matuwid at nasa panig ng katotohanan. Si Hesus ay puno ng awa at habag sa lahat. Hindi Siya ang hari na gumagamit ng karahasan para sa mga pansariling kagustuhan. Bagkus, ang ipinapalaganap Niya sa Kanyang pagkahari ay kapayapaan, awa, habag, pagmamahal, katuwiran, kabutihan, katotohanan, at kabanalan.
Si Hesus ay isa ring mapagpakumbabang hari. Ang Kanyang pagkakatawang-tao at ang Kanyang pagsilang ay katunayan ng Kanyang pagpapakumbaba. Namuhay din Siya katulad natin, maliban na lamang sa kasalanan. Turo nga ni Hesus, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." Bukod pa sa mga salita, nagpakita din Siya ng isang halimbawa - hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga alagad sa gabi ng Huling Hapunan bago Siya namatay sa Kalbaryo. Kahit na si Hesus ang Guro at Panginoon ng mga alagad, hinugasan Niya ang mga paa ng Kanyang mga apostol. Naging masunurin din Siya hanggang sa Kanyang huling hininga sa Krus.
Sa pagdiriwang natin ng Maringal na Kapistahan ng Kristong Hari, atin pong pagnilayan ang pagkahari ng Panginoong Hesukristo. Halina't pagnilayan natin kung ano nga ba ang Kanyang kaharian na hindi makamundo. Pagnilayan natin ang pagpapakababa ni Kristo, sa kabila ng Kanyang pagiging hari.
AWIT-PAGNINILAY: "Luwalhati kay Kristong Hari"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento