Linggo, Nobyembre 29, 2015

PAGHAHANDA PARA SA PAGDATING NG MAAWAING PANGINOON

29 Nobyembre 2015
Unang Linggo ng Adbiyento (K) 
Jeremias 33, 14-16/Salmo 24/1 Tesalonica 3, 12-4, 2/Lucas 21, 25-28. 34-36 



Sinisimulan po natin ang isang bagong taon sa loob ng ating Simbahan sa pamamagitan ng panahon ng Adbiyento. Sumapit na naman po ang napakahalagang panahong ito sa ating Santa Iglesia. Tayo'y maghihintay at maghahanda sa loob ng apat na linggo para sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoong Hesukristo. Inaalala natin sa panahong ito ngayon ang pananabik ng mga Israelita para sa pagdating ng kanilang Tagapagligtas, ang Mesiyas. Buong pananabik tayong naghahanda para sa panahon ng Kapaskuhan, ang araw ng pagsilang ni Kristo. 

Ipinahayag ng Panginoong Diyos sa pamamagitan ni propeta Jeremias sa Unang Pagbasa ang Kanyang pangako sa Israel - magpapadala Siya ng isang dakilang sugo. Ang dakilang sugong iyon ay ang Mesiyas, ang kanilang Tagapagligtas. Darating ang Mesiyas upang palayain at iligtas ang Kanyang bayan. Ang papel ng mga propeta katulad nina Isaias at ni Jeremias ay magpahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas at ihanda ang bayang Israel para sa Kanyang pagdating. Dumating nga ang Mesiyas sa katauhan ni Hesus. Si Hesus ang tumupad sa lahat ng mga propesiya ng mga propeta ng Matandang Tipan patungkol sa Mesiyas. 

Nananawagan sa atin si Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na maging matatag para sa muling pagbabalik ni Hesus sa wakas ng panahon. Ayon sa pagpapahayag ng pananampalataya (Credo), si Hesus ay babalik bilang hukom ng mga nabubuhay at mga namatay. Subalit, katulad ng sinabi ni Hesus, walang nakakaalam o nakababatid sa araw ng Kanyang muling pagparito sa lupa kundi ang Ama. Ang Ama lamang ang nakababatid sa araw ng muling pagbabalik ng Panginoong Hesus dito sa lupa. Inuulit ni San Pablo ang panawagan ni Kristo - maging handa para sa Kanyang pagbabalik. 

Ang Adbiyento ay isang panahon ng pananabik. Tayong lahat ay nananabik para sa pagdating ni Kristo. Nakikiisa tayo sa paghihintay at paghahanda para sa pagsilang ni Kristo. Tayo rin po ay naghahanda para sa Kanyang pagbabalik sa wakas ng panahon. May halong pagpepenitensya at kagalakan ang ating paghihintay at paghahanda tuwing panahon ng Adbiyento. Ipinaghahandaan natin ang pagsilang ni Kristo sa sabsaban sa Betlehem at ang Kanyang muling pagbabalik bilang Hukom sa wakas ng panahon. 

Sa ating Ebanghelyo, ipinahayag ni Hesus na malapit na ang Araw ng Kaligtasan. Subalit, walang makababatid sa araw na iyon. Walang makakaalam kung kailan darating ang araw na iyon. Walang makakatiyak kung kailan muling darating si Hesus. Kaya, binabalaan ng Panginoong Hesus ang mga alagad na laging maging handa. Darating ang araw na iyon sa araw na hindi inaasahan ng karamihan. Malapit nang dumating si Hesus, subalit walang makababatid kung kailan ang oras o araw ng Kanyang pagdating. 

Paano naman tayo makakapaghanda para sa Kapaskuhan? Paano nating maihahanda ang ating sarili para sa pagdating ni Kristo? Tatlong bagay ang maaari nating gawin. Una, panalangin. Napakahalaga ng panalangin. Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos. Sa labas ng pagdiriwang ng Banal na Misa, napakahalaga ang pananalangin sa Diyos. Binibigyan natin ng panahon ang Diyos. Kinakausap natin ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Kinakausap din tayo ng Diyos sa ating mga panalangin. 

Pangalawa, pagsisisi. Nandiyan ang Sakramento ng Kumpisal, ang Sakramento ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang panawagan sa atin sa panahon ng Adbiyento ay pagsisihan natin ang ating mga kasalanan bilang paghahanda para sa pagdating ng Panginoon sa ating buhay. At pangatlo, tanggapin natin si Hesus sa Banal na Eukaristiya. Napakahalaga ang pagdalo at pakikiisa sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Tinatanggap natin ang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoong Hesus sa Banal na Eukaristiya. Sa pamamagitan ng pagtanggap natin sa Katawan at Dugo ng Panginoon, Siya'y pumapasok sa ating buhay. 

Ano ang idudulot sa atin ng pagdating ni Hesus? Napakarami ang kabutihang idudulot ng pagdating ni Hesus. Kabilang na doon ang awa ng Diyos. Si Hesus ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa ng Diyos. Iisa lamang ang sadya ni Hesus noong pumanaog Siya sa lupa - iligtas ang sangkatauhan. Bakit Niya ginawa iyon? Ang Kanyang Banal at Dakilang Awa ang dahilan nito. Ang pagdating ni Hesus ay ang pagdating ng Banal na Awa sa daigdig sapagkat si Hesus ang Panginoon at Hari ng Banal na Awa. Banal at Dakila ang awang ipagkakaloob sa atin ni Hesus.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento