Linggo, Disyembre 6, 2015

MAGHINTAY AT MAGHANDA: MGA PANAWAGAN NG PANAHON NG ADBIYENTO

6 Disyembre 2015
Ikalawang Lingo ng Adbiyento (K) 
Baruc 5, 1-9/Salmo 125/Filipos 1, 4-6. 8-11/Lucas 3, 1-6


Tuwing Ikalawang Linggo ng Adbiyento, mapapakinggan natin sa Ebanghelyo ang pangangaral ni San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ay isang napakahalagang karakter sa panahon ng Adbiyento. Ayon kay San Juan Bautista at sa mga propeta ng Lumang Tipan, si San Juan Bautista ang "Tinig na sumisigaw sa ilang." Si San Juan Bautista ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoong Hesukristo. Inihahanda niya ang mga Israelita, lalung-lalo na ang mga makasalanan, para sa pagdating ng Mesiyas na si Hesukristo. 

Dalawa ang panawagan sa atin ng panahon ng Adbiyento - paghihintay at paghahanda. Kasabay ng ating paghihintay para sa pagdating ng Panginoon ay ang paghahanda. Magkarugtong ang paghihintay at paghahanda sa panahon ng Adbiyento. Tanungin natin ang ating mga sarili: Papaano ba nating pinaghahandaan ang pagdating ng Panginoon?  

Sa Ebanghelyo, napakinggan natin na may panawagan si San Juan Bautista sa kanyang mga tagapakinig. Nananawagan si San Juan Bautista na pagsisihan at talikdan ng mga makasalanan ang kanilang mga likong gawain. Ang bayang Israel ay naghintay nang matagal para sa pagdating ng kanilang Manunubos, ang Mesiyas. Nangako ang Diyos na isusugo Niya ang Mesiyas sa bayang Israel upang iligtas sila. Subalit, kinakailangan nilang magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan para sa pagdating ng Mesiyas. 

Ang papel ng mga propetang isinugo ng Diyos bago Niya isinugo si Kristo ay maging tagapagsalita ng Diyos. Ipinapahayag ng mga propetang isinugo ng Panginoong Diyos ang mga salita at panawagan ng Diyos sa Kanyang bayan. Si San Juan Bautista ang huling propeta bago dumating si Kristo. Hinirang ng Diyos si San Juan Bautista na maging tagapaghanda ng daraanan ni Kristo. Hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang maging propeta bago dumating ang Panginoon. 

"May isang tinig na sumisigaw: Ipaghanda ng daan sa ilang ang Panginoon; isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos." (Isaias 40, 3) Ito ang propesiya ni propeta Isaias patungkol sa paglitaw ng Panginoong Hesukristo. Bago lumitaw ang Mesiyas, may isang tinig na nananawagan sa mga tao na ipaghanda ng isang matuwid na daraanan ang Panginoon. Natupad ang propesiyang iyon sa pamamagitan ni San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ang tinig na sumisigaw sa ilang. May panawagan ang tinig na ito na sumisigaw sa ilang - ipaghanda at tuwirin ang daraanan ng Panginoon. 

Nakakatuwang pansinin na hinirang ng Diyos si San Juan Bautista na nasa ilang. Ang Salita ng Diyos ay dumating kay San Juan Bautista sa ilang. Sa ilang ay tinawag at hinirang ng Diyos si San Juan Bautista upang ipaghanda ang daraanan ni Hesus. Darating na kasunod ni San Juan Bautista si Hesus. Lilitaw si Hesus kasunod ni San Juan Bautista. Si Hesus ang BIDA sa salaysay ng pagliligtas ng Diyos. Tunay ngang napakadakila ang pagliligtas ng Diyos. Niligtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Mesiyas, si Hesus. 

Subalit, nagsalita ba si San Juan Bautista sa ganang sarili? Ang panawagan ng paghahanda at paghihintay ay nanggaling ba kay San Juan Bautista? HINDI. Nanggaling ito sa Diyos. Ang Diyos ay nananawagan sa lahat ng mga makasalanan na pagsisihan at talikdan ang kasalanan bilang paghahanda para sa Kanyang pagdating sa pamamagitan ng ating Emmanuel na si Hesus. Tataglayin ng Mesiyas ang dakilang awa at habag ng Diyos sa Kanyang pagdating. 

Ang panahon ng Adbiyento ay isang makabuluhang panahon upang maghintay at maghanda para sa pagdating ng Panginoon. Sa pagdating ng Panginoon, tataglayin Niya ang Kanyang dakilang awa at habag. Nananawagan ang Panginoon na maghintay at maghanda para sa Kanyang pagdating. Ang pagdating ng Panginoon ay pagdating din ng Kanyang dakilang awa. Ang dakilang awa ng Panginoon ang sanhi ng Kanyang pagparito sa daigdig para sa kaligtasan ng sangkatauhan. 


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento