Linggo, Disyembre 20, 2015

MARIA: PINAGPALA DAHIL SA KANYANG PANANALIG SA KALOOBAN NG DIYOS

21 Disyembre 2015 
Ikaanim na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
Awit 2, 8-14 (o kaya: Sofonias 3, 14-18a)/Salmo 32/Lucas 1, 39-45 



Muli na naman nating mapapakinggan ang salaysay ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang kamag-anak na si Santa Isabel (Elisabet). Kung atin pong mapapansin at matatandaan, napakinggan natin ang salaysay ng Pagdalaw ng Mahal na Birhen kay Santa Isabel (Elisabet) na kanyang kamag-anak kahapon. Subalit, pagtuunan natin ng pansin ngayon si Maria, sapagkat ayon sa kanyang kamag-anak na si Elisabet, nanalig si Maria sa kalooban ng Diyos para sa Kanya. 

Dala ni Maria ang pagpapalang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Ang dinadalang sanggol sa kanyang sinapupunan ang pagpapalang ipinagkaloob ng Diyos kay Maria. Pinagpala si Maria sapagkat siya ang hinirang upang maging ina ng Mesiyas na si Hesukristo. Si Maria ay pinili ng Diyos upang bigyan ng buhay si Hesus dito sa sanlibutang ito. Paano nangyari ang lahat ng ito? Sa pamamagitan ng kanyang pananalig sa Diyos. Nanalig at tumalima si Maria sa kalooban ng Diyos para sa kanya. Bagamat hindi niya maunawaan nang lubos, buong pananalig na tumalima si Maria sa kagustuhan ng Diyos. 

Nang marinig ni Santa Isabel (Elisabet) ang bati ng Mahal na Ina, siya'y nagalak sa tinig ng kanyang bati. Ang sanggol na si San Juan Bautista ay gumalaw sa tuwa sa tiyan ni Elisabet. Noong marinig ni Elisabet ang tinig ng Mahal na Birhen, naramdaman niya ang paggalaw ng sanggol na si San Juan Bautista sa kanyang sinapupunan. Ano ang kahalagahan nito? Dumating sa kanilang piling ang pagpapala ng Diyos. Ang pagpapala ng Diyos ay dumating sa kanila sa pamamagitan ni Maria at ng sanggol sa kanyang sinapupunan na si Hesus. 

Ang tugon ni Elisabet sa pagbati ni Maria, "Pinagpala ka sa lahat ng mga babae, at pinagpala rin ang sanggol na dinadala mo sa iyong sinapupunan." (Lucas 1, 42) Ang pananalig ni Maria sa kalooban ng Diyos ang dahilan kaya siya pinagpala ng Diyos. Nanalig siya sa kalooban ng Diyos. Maraming hindi naunawaan si Maria patungkol sa kalooban ng Diyos. Subalit, hindi nagpadala si Maria sa kakulangan ng kanyang pang-unawa. Hindi pinagdudahan ni Maria ang Diyos. Bagkus, buong pananalig niyang tinanggap at sumunod sa kalooban ng Diyos. 

Bago pa ipinaglihi ang Mahal na Birheng Maria sa sinapupunan ni Santa Ana, siya'y iniligtas ng Diyos mula sa dungis ng kasalanang mana. Kaya, isinilang si Maria na hindi dinungisan ng kasalanan kahit kailan. Bilang bata, tinuruan din si Maria patungkol sa Mesiyas. Tinuruan si Maria patungkol sa pangako ng Diyos - ang pagdating ng Mesiyas bilang Tagapagligtas ng bayan ng Diyos. Kabilang siguro si Maria sa mga naghihintay o nananabik para sa pagdating ng Mesiyas, ang pinangakong Tagapagligtas na isusugo ng Diyos. Subalit, hindi niya inaasahan na siya ang pinili ng Diyos upang maging ina ng Mesiyas. 

Noong nagpakita si San Gabriel Arkanghel sa Mahal na Birheng Maria, nagulat ang Mahal na Birhen nang marinig ang bati ng anghel ng Panginoon. Ibinalita ng Arkanghel Gabriel ang kalooban ng Diyos para sa Mahal na Ina. Pinili si Maria upang maging ina ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Namangha si Maria sapagkat wala siyang inaasahang ganung responsibilidad. Kaya nagtanong siya kung paanong mangyayari iyon, sapagkat dalaga pa siya at nakatakdang ikasal sa isang karpintero na si San Jose. Ipinaliwanag sa kanya ng anghel na ang Espiritu Santo ay bababa sa kanya at liliman ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. 

Kakamangha at napakalalim ng mga sinabi ng Arkanghel Gabriel sa Mahal na Ina. Naintindihan ba niya ang lahat? Naunawaan niya ang lahat? Siguro, may konti siyang kaalaman. Subalit, hindi niya naiintindihan nang lubos ang plano ng Diyos. Napakalalim at napakahirap na sundin ang kalooban ng Diyos. Isang mahirap na desisyon ang kinailangang gawin ng Mahal na Birhen. Maaari sanang sabihin ng Mahal na Ina kay San Gabriel Arkanghel na maghanap na lang ng ibang babae ang Diyos. Subalit, nanalig siya sa kalooban ng Diyos. Kaya, buong pagtalima niyang tinanggap at sinunod ang kalooban ng Diyos. 

Nang tinanggap ni Maria ang pagpapala ng Diyos, tumungo siya sa bahay ng kanyang kamag-anak na si Elisabet. Kahit gaano mang kalayo iyon, pinilit pa rin ni Maria na tumuloy sa bahay ng kanyang kamag-anak. Parehas silang nagdadalantao, subalit bakit pinili ni Maria na tumungo sa bahay ng kanyang kamag-anak? Bakit hindi na lang sila nagkita pagkatapos isilang ang kani-kanilang mga anak? Nais ibahagi ni Maria ang biyayang tinanggap niya mula sa Diyos sa kanyang kamag-anak na si Elisabet. Nais niyang ibahagi ang kagalakan dulot ng pagpapala ng Diyos. Kagalakan ang hatid ni Maria at ng Sanggol na Hesus sa kanyang sinapupunan sa kani-kanilang mga kamag-anak na sina Elisabet at ang sanggol na si Juan Bautista sa kanyang sinapupunan.

Pinagpala ng Diyos ang mga tumatalima sa Kanya ng buong pananalig. Katulad ng Mahal na Birheng Maria, buong pagtitiwala natin sundin ang kalooban ng Diyos. Bagamat mahirap at hindi sukat akalain ang kalooban ng Diyos, sumunod tayo sa kalooban ng Diyos. Kahit hindi lubusan nating maunawaan o maintindihan ang kalooban ng Diyos, sundan pa rin natin ang kalooban ng Diyos. Tularan natin si Maria, ang ating Mahal na Ina, sa pananalig at pagtalima sa kalooban ng Diyos. Tunay tayong makikilala bilang bayan ng Diyos kung tayo ay tumatalima nang buong pananalig sa kalooban ng Diyos. Sapagkat ipinagkakaloob ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala sa lahat ng mga nananalig at tumatalima sa Kanya. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento