18 Disyembre 2015
Ikatlong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK)
Jeremias 23, 5-8/Salmo 71/Mateo 1, 18-24
Binibigyang diin ng Ebanghelyo ngayong Ikatlong Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo ang salaysay ng pagtanggap ni San Jose sa Mahal na Birheng Maria at sa Panginoong Hesus. Tinanggap ni Jose sina Maria at Hesus sa kanyang buhay bilang kanyang pamilya. May plano ang Diyos para kay Jose - tumayo bilang ama ni Hesus dito sa sanlibutan. Pinili ng Diyos na lumaki bilang anak ng isang lalaki at isang babae. Pinili ng Diyos na magkaroon ng isang pamilya.
Walang balak si Maria na mabuntis sa maagang edad. Si Maria'y isang dalaga na namumuhay ng payak sa Nazaret. Namumuhay siya kasama ng kanyang mga magulang na sina Santa Ana at San Joaquin noong kapanahunang yaon. Ayon pa nga sa Ebanghelyo, ikakasal si Maria kay Jose nang siya'y magdalantao. Hindi pinlano ni Maria na magdalantao sa murang edad. Kung kailan hindi pa nagaganap ang kasal, saka pa nabuntis si Maria. Isang mabigat na eskandalo ito sa kapanahunang yaon. Aakusahan si Maria ng pakikiapid sapagkat siya'y natagpuang buntis sa labas ng kasal.
Si Jose naman ay isang karpintero sa Nazaret. Galing siya sa Betlehem, subalit nakatira siya sa Nazaret noong kapanahunang yaon. Masipag siya sa kanyang hanapbuhay bilang karpintero. Naghahanap-buhay si Jose para sa kanyang kasalukuyang pamilya, at sa kanyang magiging pamilya. Ikakasal na si Jose kay Maria, kaya puspusan na siguro ang kanyang paghahanap-buhay upang maayos ang pagsisimula ng kanilang buhay mag-asawa.
Noong nabalitaan ni San Jose na nabuntis ang Mahal na Ina sa labas ng kasal, nagkaroon na siya ng pagdududa. Bakit nabuntis si Maria sa labas ng kasal? Malapit na silang ikasal, bakit ngayon pa siya nabuntis? Bakit hindi hinintay ni Maria si Jose? Bakit dinaya o niloko ni Maria si Jose? Bakit nakipagtalik si Maria sa ibang lalaki? Punung-puno ng pagmamahalan ang relasyon nina Jose at Maria. Bakit nagkaganon si Maria? Bakit siya nakipag-relasyon sa ibang lalaki? Bakit siya nakipag-relasyon sa iba, kahit alam niyang ikakasal siya?
Ang pagiging buntis sa labas ng kasal ay mabigat na eskandalo noong kapanahunang yaon. Ito'y isang palatandaan na nakiapid ang isang babae sa ibang lalaki. Nagtalik sila sa labas ng kasal. Dahil sa bigat ng kasalanang ito noong kapanahunang yaon, mabigat ang kaparusahan nito. Ihahatak ang mga nakiapid patungo sa isang pampublikong lugar, katulad ng isang plaza. Pagkatapos, ibabato ang mga nakiapid hanggang sa sila'y namatay.
Isang kumplikadong sitwasyon ito para kina Maria at Jose. Ayon pa nga sa Ebanghelyo, matuwid na tao si Jose. Hindi makakagawa ng ganitong bagay si Jose sapagkat siya'y isang matuwid na Hudyo. Masunurin si Jose sa batas ng mga Hudyo. Buong puso niyang sinusunod ang batas ng mga Hudyo. Ayaw niyang suwayin ang batas ng mga Hudyo. Alam din ni Jose na wala siyang kinalaman sa pagbubuntis ni Maria bago siya ikinasal. Isang napakakumplikado, napakagulo, at nakakalitong sitwasyon. Ano nga ba ang nangyari? Ano ba ang totoo? Sino ang nagsasabi ng katotohanan? Ano ba ang talagang nangyari?
Bakit nga ba nangyari ito? Si San Mateo ang nagpaliwanag sa pagpapatuloy ng salaysay. Ang Anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa panaginip. Ipinaliwanag ng anghel ang dahilan ng pagdadalantao ni Maria sa labas ng kasal. Hindi nakiapid si Maria sa ibang lalaki. Hinding-hindi niloko ni Maria si Jose. Walang ibang ka-relasyon si Maria. Bagkus, kalooban ng Diyos ang naganap. Nabuntis si Maria dahil kagustuhan ito ng Diyos. Bakit? Sapagkat hindi pangkaraniwan ang sanggol na dinadala niya sa kanyang sinapupunan. Ang dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan ay ang Anak ng Diyos at ang Mesiyas - si Hesus. Ang pagdadalantao ni Maria ay kalooban ng Diyos, hindi bunga ng pakikipag-relasyon sa ibang lalaki.
Sinugo ng Diyos si Hesus upang maging Tagapagligtas at Mesiyas ng sanlibutan. Hinirang ng Diyos si Maria upang maging ina ni Hesus. Mananahan si Hesus sa sinapupunan ni Maria sa loob ng siyam na buwan. Sa gayon, makikita natin na si Maria ang Kaban ng Bagong Tipan. Dinala ni Maria sa kanyang tiyan si Hesus, ang Bagong Tipan. Hinirang din ng Diyos si Jose upang maging ama-amahan ni Hesus dito sa mundo. Ang Banal na Pamilya nina Hesus, Maria, at Jose ay binuo ng Diyos para sa Kanyang dakilang plano ng pagliligtas sa sanlibutan.
Lumaki si Hesus sa isang pamilya katulad natin. Ipinapakita ni Hesus na kahit Siya ang Diyos, kaisa Niya tayo. Naging tao ang Diyos Anak upang ipakita at ipadama sa atin ang Kanyang awa at habag sa sangkatauhan. Bumaba Siya mula sa langit at nanahan sa tiyan ng isang birhen sa loob ng siyam na buwan. Lumaki ang Panginoong Hesus sa isang pamilya na binuo ng isang babae at isang lalaking magkabiyak sa katauhan ng Mahal na Birheng Maria, ang maluwalhating laging birhen, at ni San Jose na tumayo bilang Kanyang ama-amahan sa daigdig.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento