Miyerkules, Disyembre 23, 2015

ARAW NG KALIGTASAN: ARAW NG DAKILANG AWA AT HABAG NG DIYOS

24 Disyembre 2015
Ikasiyam na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
2 Samuel 7, 1-5. 8b-12. 14a. 16/Salmo 88/Lucas 1, 67-79 



Sa Ebanghelyo ngayon, mapapakinggan natin ang awit ng papuri ni Zacarias sa Diyos. Matapos ng siyam na buwan na pananatili ng sanggol na si San Juan Bautista sa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Isabel (Elisabet), nakapagsalita na muli si Zacarias. Tapos na ang sumpa. Hindi na siya pipi o bingi. Bagkus, makakapagsalita at makakarinig na si Zacarias nang malinaw at nang lubusan. Sa kanyang pagsasalita sa unang pagkakataon, pinuri niya ang Diyos. Walang ibang salitang namutawi sa bibig ni Zacarias kundi mga salitang nagbibigay papuri at luwalhati sa Diyos. 

Mapapakinggan natin sa awit ni Zacarias na magbubukang-liwayway na ang araw ng kaligtasan. May ipinapahiwatig si Zacarias sa titik na ito ng kanyang awitin, ang Benedictus (Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel). Malapit nang dumating ang Mesiyas sa mundong ito. Isinilang na ang mauuna sa Mesiyas. Isinilang na ang Tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pagsilang ni San Juan Bautista, ang araw ng kaligtasan ay magbubukang-liwayway na. Magbubukang-liwayway na ang araw ng Awa ng Diyos. Darating na ang takdang panahon ng pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Ipinahayag ng isa sa mga propeta ng Lumang Tipan na bago dumating ang Mesiyas, darating si Elias. Natupad ang propesiyang ito sa pamamagitan ni San Juan Bautista. Taglay ni San Juan Bautista ang espiritu at kapangyarihan ng propetang si Elias, ayon sa sinabi ng Arkanghel Gabriel kay Zacarias. Ang masusunod sa pagsilang ni San Juan Bautista ay ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo, ang Mesiyas at Tagapagligtas na isinugo ng Diyos sa Kanyang bayan.

Sa awit ni Zacarias, ipinahayag niya sa kanyang anak na si Juan Bautista kung ano ang kanyang misyon sa buhay. Ipinahayag ni Zacarias na ang kanyang anak ay pinili ng Diyos para sa isang napakahalagang papel sa plano ng kaligtasang gagawin Niya para sa Kanyang bayan. Siya ang maghahanda ng daraanan ng Panginoon at magtuturo sa lahat tungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Ihahanda ni Juan Bautista sa kanyang paglaki ang lahat ng tao para salubungin ang Mesiyas na matagal na nilang hinihintay. 

Ang pagsilang ni San Juan Bautista ay ang pagpapahayag ng Diyos na malapit nang dumating ang araw ng kaligtasan. Nagbubukang-liwayway na. Malapit nang dumating ang araw. Ang araw ay darating sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus. Si Hesus ang liwanag ng Araw ng Kaligtasan. Kay Hesus magmumula ang liwanag ng Araw ng Kaligtasan. Sa Araw ng Kaligtasan, ipapamalas ng Diyos ang Kanyang Dakilang Awa at Habag sa buong sangkatauhan. 

Darating na ang araw na pinakahihintay natin. Ito ang pahayag ng Diyos sa pamamagitan ng pagsilang ni San Juan Bautista. Magbubukang-liwayway na ang araw ng kaligtasan. Ang araw ng kaligtasan ay magaganap sa pagdating ni Hesus. Sa pagdating ni Hesus, tataglayin Niya ang liwanag na papawi sa lahat ng uri ng kadiliman. Papawiin ni Hesus ang lahat ng uri ng kadiliman dulot ng kasalanan. Hindi na magtatagal at darating na ang Araw ng Kaligtasan. Sa pamamagitan ng pagsilang ni San Juan Bautista, ipinapahayag sa atin ng Diyos na malapit nang dumating si Hesus, ang Mesiyas at Manunubos ng sangkatauhan. 

Tataglayin ni Hesus ang liwanag ng Awa at Habag ng Diyos sa Kanyang pagdating. Mauuna sa Kanya si San Juan Bautista upang ipakilala Siya sa lahat ng tao. Ipapahayag ni San Juan Bautista na sumapit na ang araw na hinintay ng lahat sa loob ng matagal na panahon - ang pagdating ng Panginoon para sa kaligtasan ng lahat. Si San Juan Bautista ang magpapahayag sa lahat ng tao na ang Awa at Habag ng Diyos ay dumating na sa sanlibutan sa pamamagitan ng Mesiyas at Tagapagligtas na si Hesus. Ang Mukha ng Awa ng Diyos na si Hesus ay darating upang tayong lahat ay maligtas ng dakilang Awa at Habag ng Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento