Lunes, Disyembre 21, 2015

PURIHIN NANG BUONG KAGALAKAN ANG MAAWAING DIYOS KASAMA SI MARIA

22 Disyembre 2015 
Ikapitong Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
1 Samuel 1, 24-28/1 Samuel 2/Lucas 1, 46-56 


Tatlong dekada nang naghintay ang buong Pilipinas para magtagumpay sa Miss Universe. Ang tagumpay ni Pia Alonzo Wurtzbach, kahit medyo nagkaroon ng kontrobersya, ay nagdulot ng malaking tuwa sa ating lahat bilang mga Pilipino. Matagal na tayong naghintay - mga tatlong dekada - upang magtagumpay ang pambato ng Pilipinas sa mga ganung contest, lalung-lalo na kapag international. Kalat pa nga sa social media ang pagkapanalo ng ating pambato sa Miss Universe 2015. Sa pakiwari ko, hindi sapat ang salitang "tuwa" o "saya" upang ilarawan ang naramdaman nating mga Pilipino sa tagumpay ni Binibining Pia Alonzo Wurtzbach sa Miss Universe 2015 - gusto ko sanang gamitin ang salitang "kagalakan." Bakit? Ibang-iba ang saya na nararamdaman natin sa tagumpay na ito. Hindi ordinaryo ang saya na nararamdaman natin ngayon, siguro. 

Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa kagalakan. Inilarawan ni San Lucas sa Ebanghelyo ang kagalakan ng Mahal na Birheng Maria. Paanong inilarawan ni San Lucas ang kagalakan ni Maria? Sa pamamagitan ng isang awit - ang "Magnificat" (Ang puso ko'y nagpupuri). Napakinggan natin sa Ebanghelyo ang Awit ni Maria. Umawit nang buong pagpupuri at kagalakan si Maria sa Diyos. Bakit ginawa iyon ni Maria? Sapagkat ipinamalas ng Diyos ang Kanyang awa at habag kay Maria. Isang ordinaryong dalaga, sa katauhan ni Maria, bagamat nagmula sa kababaan, ay binigyan ng isang di-pangkaraniwang misyon sa buhay. Ang misyong ibinigay ng Diyos kay Maria ay ang pagiging ina ni Kristo. 

Inilarawan ng Mahal na Ina sa pamamagitan ng kanyang awit ang habag at ang kabutihang-loob ng Diyos. Inilalarawan din ng Mahal na Ina sa kanyang awit na malapit ang Diyos sa lahat ng mababang-loob at ang mga aba. Ang Diyos ay mahabagin sa lahat ng mga mababang-loob at ang mga aba. Kinalulugdan ng Diyos ang lahat ng mga taong mapagpakumbaba, at ang mga maralita. Ang Panginoong Hesus ang nagsabi, "Ang sinumang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas." (Lucas 18, 14) 

Napakinggan din natin sa Unang Pagbasa na nagpasalamat ang ina ni Samuel na si Ana sa pagsilang ng kanyang anak. Bago pa isilang si Samuel, buong pusong nanalangin si Ana kasama ang saserdoteng si Eli upang pagkalooban siya ng anak. Dininig ng Diyos ang panalangin ni Ana, at dininggin Niya ito. Si Ana'y pinagkalooban ng Diyos ng isang anak sa katauhan ni Samuel. Kaya, buong kagalakan at pagpupuri siyang nagpasalamat sa Diyos para sa biyaya ng kanyang anak na si Samuel. Hindi lamang iyan. Inihandog ni Ana ang kanyang anak na si Samuel sa Panginoong Diyos bilang pasasalamat sa biyayang tinanggap. 

Tugmang-tugma rin ang ating Salmo ngayon. "Diyos kong Tagapagligtas, pinupuri Kitang wagas." Maraming dahilan kung bakit ang Diyos ay dapat purihin. Diniringgin Niya ang mga mababang-loob at ang mga dukha. Malapit Siya sa mga maralita, pisikal man o esprituwal ang pagiging maralita ng sinuman. Kinikilala natin ang Diyos bilang isang mahabagin at maawaing diyos. Ibang-iba ang Panginoong Diyos. Walang makakapantay sa awa at kabutihang-loob ng Panginoon. Siya ang Diyos na magandang-loob, mahabagin, at maawain.

Napakalinaw ng tema at mensahe ng Awit ni Maria - ang Diyos ay maawain at mahabagin. Walang kupas ang awa at habag ng Panginoong Diyos. Napakatatag at napakadakila ang Awa at Habag ng Diyos. Ang Diyos ay ang Diyos ng Awa at Habag. Magmula pa noong nilikha ang daigdig na ito, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang Awa at Habag, lalung-lalo na sa mga tao. Ang kasalanan nina Eba't Adan sa Halamanan ng Eden ay hindi naging dahilan upang itigil ng Diyos sa pagpapakita at pagpapadama ng Awa at Habag sa lahat. At ang pinakadakilang gawa ng Diyos upang ipakita at ipadama sa sangkatauhan ang Kanyang Dakilang Awa at Habag ay ang pagpapadala Niya sa Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo, sa sanlibutan. 

Malapit na malapit na ang Pasko. Kaunti na lang ang hihintayin natin. Ilang araw na lamang at Pasko na. Sa mga huling panahon ng Adbiyento at pagsapit ng Kapaskuhan, samahan natin ang Mahal na Inang si Maria upang purihin nang may buong kagalakan ang Panginoong Diyos. Purihin natin ang Diyos nang may buong kagalakan dahil sa Kanyang Dakilang Awa at Habag sa ating lahat, mga abang makasalanan. Bagamat mga makasalanan tayo, pinili ng Diyos na ipakita at ipadama sa atin ang Kanyang Awa at Habag. Ang pinakadakilang gawa ng Diyos upang ipakita at ipadama ang Kanyang Banal at Dakilang Awa at Habag ay ang pagsusugo Niya sa Mesiyas, ang ating Panginoong Hesukristo. Maraming ginawa ang Diyos upang ipakita at ipadama sa atin ang Kanyang Awa at Habag, ngunit walang makahihigit pa sa pagsusugo Niya sa ating Tagapagligtas na si Hesus. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento