Huwebes, Disyembre 31, 2015

MARIA: INA NG MAAWAING DIYOS NA NAGBIBIGAY NG KAPAYAPAAN

1 Enero 2016
Dakilang Kapistahan ni Maria, Ina ng Diyos (ABK) 
Bilang 6, 22-27/Salmo 66/Galacia 4, 4-7/Lucas 2, 16-21 


Sinasalubong natin ang Bagong Taon sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ni Maria, ang Ina ng Diyos. Kasabay ng Pista ni Maria, ang Ina ng Diyos, ang unang araw ay idineklara ng ating Simbahan bilang Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan. Kapayapaan ang hatid ng Diyos ng Awa sa lahat. Isinugo ng Diyos ang Kanyang Bugtong na Anak na si Hesukristo upang ihatid ang Kanyang Kapayapaan at Awa sa buong sangkatauhan. Noong pumarito si Hesus sa daigdig, Siya'y nagkatawang-tao lalang ng Espiritu Santo at iniluwal ni Maria pagkatapos ng siyam na buwan ng pananahan sa kanyang sinapupunan. 

Isa sa mga dogma o doktrina ng Simbahan patungkol kay Maria ay ang kanyang pagiging Ina ng Diyos. Kapag sinasabi nating si Maria ang Ina ng Diyos, hindi natin sinasabing diyosa si Maria. Si Maria'y tao katulad natin. Hindi rin nating sinasabing si Maria ang Ina ng Diyos Ama o ng Diyos Espiritu Santo. Bagkus, si Maria ang Ina ng Pangalawang Persona ng Banal na Santatlo, ang Diyos Anak na si Hesus. Dahil si Hesus ay Diyos, tinatawag nating Ina ng Diyos si Maria. Ito ay isa sa napakaraming titulo ng Simbahan para kay Maria. 

Binibigyang diin ng mga Pagbasa ngayong Pista ni Maria, Ina ng Diyos, ang pagiging maawain ng Diyos. At dahil sa Awa ng Diyos, kapayapaan ang ibinibigay Niya sa lahat ng mga may takot sa Kanya. Kusang-loob na ipinagkakaloob sa atin ng Panginoong Diyos ang Kanyang Awa at Kapayapaan. Ang pinakadakilang handog ng Awa at Kapayapaan ng Diyos ay ang pagpapadala kay Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan at Hari ng Awa. 

Natunghayan natin sa Unang Pagbasa na ang utos ng Diyos patungkol sa sasabihin nina Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang pagbebendisyon sa mga tao. Binibigyang diin ng pagbebendisyon na ito ang habag ng Diyos. Pagpapalain ng Diyos ang Kanyang bayan. Ang mga pagpapalang hatid ng Panginoon ay ang Awa at Kapayapaang nagmumula sa Kanya. 

Ipinapahayag ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang pagsilang ng Anak ng Diyos sa isang babae. Ito ang pinakadakilang handog ng Awa at Kapayapaan na nagmula sa Diyos. Ang Diyos Anak na si Hesukristo ay sinugo ng Diyos Ama at isinilang ng Birheng Maria upang tayong lahat ay maging mga anak ng Diyos. Nais ng Diyos na mapabilang tayo sa Kanyang pamilya. Nais ng Diyos na tayo'y maging mga anak Niya. Kaya, isinugo Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Kristo Hesus upang tayong lahat ay maging mga anak ng Diyos. Hindi na tayo namumuhay bilang mga alipin. Tayong lahat ay naging mga anak ng maawaing Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesukristo. 

Sa Ebanghelyo, mapapakinggan natin ang pagdalaw ng mga pastol sa Sanggol na Hesus. Ito ay naganap pagkatapos ng pagbabalita sa kanila ng mga anghel. Nakita ng mga pastol ang lahat ng mga ibinilita sa kanila ng mga anghel - ang Sanggol na Hesus ay nakahiga sa sabsaban. Ang mga unang bisita ng maawaing Diyos na Sanggol na si Hesus ay mga pastol. Dagdag pa ni San Lucas, pinagbulay-bulay ni Maria ang lahat ng mga pangyayari. Hindi maintindihan ni Maria ang mga nangyari. Hindi maintindihan ni Maria kung bakit dinalaw ng mga pastol ang Sanggol na Hesus. Subalit, hindi siya nagreklamo. Hindi nawalan ng tiwala sa Diyos si Maria. Bagkus, katulad ng nasasaad sa Ebanghelyo, pinagnilay-nilayan ni Maria ang lahat ng mga pangyayaring naganap. 

Kulang tayo sa pagninilay, lalung-lalo na sa panahon ngayon. Sa panahon ngayon, kinakailangan nating maghanap ng pagkakataon upang magnilay. Ang gulo-gulo ng ating mga buhay ngayon. Ang daming mga bagay na nagaganap sa mga buhay natin ngayon. Iyan ang kakulangan natin sa panahon ngayon - pagninilay. Hindi tayo nagbibigay o naghahanap ng panahon upang makapagnilay. Ang hirap pa sa panahon ngayon, hindi tayo gumagawa ng paraan upang magkaroon ng oras upang magnilay. Wala tayong panahon para magnilay.

Ano naman ang pagninilayan natin? Ang misteryo ng Awa at Kapayapaan ng Diyos. Isa itong misteryo. Alam natin na ang Diyos ay maawain at ang Diyos ay ang Diyos ng Kapayapaan. Subalit, hindi makakasya sa ating mga isipan ang lalim at ang kalawakan ng misteryong ito. Hindi masusukat ang ating kaalaman patungkol sa misteryong ito. May mga bagay patungkol sa Awa at Kapayapaang mula sa Diyos na hindi nating maunawaan. Kaya, napakahalaga para sa atin na pagnilay-nilayan natin ang Banal na Misteryong ito. 

May mga bagay patungkol sa mga pagpapala at kapayapaang dulot ng Awa ng Diyos na hindi nating maintindihan. Ang Mahal na Birheng Maria, hindi niya maintindihan ang pagdalaw ng mga pastol. Hindi niya naintindihan kung bakit sa sabsaban isinilang ang Diyos na Sanggol. Hindi rin niya maintindihan ang dahilan kung bakit kinailangan pang maging Sanggol ang Anak ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Subalit, hindi niya pinagdudahan ang Diyos. Hindi nawalan ng tiwala sa Diyos si Maria. Bagkus, tumalima sa kalooban ng Diyos si Maria. Ang mga bagay na hindi maintindihan ni Maria ay kanyang pinagbulay-bulay sa kanyang puso. Hinding-hindi niya makakalimutan ang mga dakilang gawa ng awa ng Diyos na kanyang nasaksihan at naranasan. 

Sa pagsisimula ng Bagong Taon, inaanyayahan tayong pagnilayan ang hiwaga ng Awa at Kapayapaang hatid ng Diyos kasama si Maria. Kapayapaan ang hatid ng maawaing Diyos sa ating lahat. May hiwaga ang Awa ng Diyos. Hindi natin alam ang lahat-lahat patungkol sa Awa ng Diyos. Kaya, sa katahimikan, pagnilayan natin ang misteryo ng Awa ng Diyos kasama ng Mahal na Ina. Pagnilay-nilayan natin at itanim natin sa ating puso at isipan ang mahiwagang Awa at Kapayapaang nagmumula sa Panginoong Diyos, katulad ni Maria. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento