19 Disyembre 2015
Ikaapat na Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK)
Mga Hukom 13, 2-7. 24-25a/Salmo 70/Lucas 1, 5-25
Sinimulan ni San Lucas ang kanyang Ebanghelyo sa pamamagitan ng mga pagpapakita ni San Gabriel Arkanghel kina Zacarias at Maria. Mahalaga ang papel ng Arkanghel na si San Gabriel sa plano ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Siya ang tagapaghatid ng Mabuting Balita ng Panginoon. Hinatid niya ang Mabuting Balita ng Panginoon kina Zacarias at Maria. Ang balitang hatid ng Arkanghel Gabriel kina Zacarias at Maria ay ang kanilang mga papel sa kaligtasang pinlano ng Diyos para sa sangkatauhan.
Unang nagpakita si San Gabriel Arkanghel kay Zacarias. Ibinalita niya kay Zacarias ang kanyang papel sa plano ng kaligtasan ng Diyos sa sangkatauhan. Sina Zacarias at ang kanyang asawang si Elisabet (Santa Isabel) ay pinili ng Diyos upang maging mga magulang ng Tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Ang kanilang magiging anak ay si San Juan Bautista. Si San Juan Bautista ang mauuna sa Mesiyas upang ipaghanda ang Kanyang daraanan.
Ayon sa kaugalian ng mga Hudyo, kapag may isang babaeng na walang anak sa kanyang pagtanda, isa na siyang baog. Walang magtataguyod para sa kanyang kabuhayan kapag ang kanyang asawa ay pumanaw. Walang anak na mag-aalaga sa kanya. Walang siyang mga anak na maghahanap-buhay para sa kanilang pamilya, kahit isa man lang. Siguro, wala nang mag-aalaga sa kanya, lalung-lalo na kung biyuda siya. Araw-araw siyang nag-iisa, at malungkot. Mag-isa na lamang siya, at kadalasan, nabubuhay siya na puno ng kahirapan. Mahirap ang maging biyuda at balo noong kapanahunang yaon.
Baog na si Elisabet. Malapit na rin siyang maging biyuda, kung si Zacarias ang unang mamatay sa kanilang dalawa. Sa katandaan siguro nina Zacarias at Elisabet, masasabi nating malapit nang magwawakas ang kanilang buhay dito sa mundo. Araw-araw silang nanalangin sa Diyos na ipagkaloob sila ng anak, subalit, sa mahaba-habang panahon, hindi sila nagkaroon ng anak, kahit isa man lang. Kung mamamatay si Zacarias, wala nang mag-aalaga o magtataguyod para kay Elisabet. Mag-isa na lamang siyang mamumuhay na punung-puno ng kahirapan at kalungkutan kung mauuna sa kanya si Zacarias.
Kahit na baog si Elisabet, ipinahayag ng Arkanghel Gabriel kay Zacarias na magdadalantao ang kanyang asawa. Matagal nang hinintay ng mag-asawang sina Zacarias at Elisabet ang araw na iyon. Subalit, bakit kung kailan pa sila tumanda? Bakit pa nagdalantao si Elisabet noong sobrang matanda na siya? Bakit hindi siya nagdalantao noong bata-bata pa sila? Bakit ngayong lang pinagbigyan ng Diyos ang kanilang kahilingan? Bakit ang tagal?
Plano ito ng Diyos. Lahat ng ito ay pinlano ng Diyos. Ipinlano Niya ang paraan kung paanong ililigtas Niya ang Kanyang bayan. Siya ang nagplano kung paanong ililigtas Niya ang buong sangkatauhan. Isusugo Niya ang Mesiyas sa katauhan ni Hesus upang maging Tagapagligtas ng sangkatauhan. Subalit, bago pa lumitaw ang Mesiyas, may maghahanda ng Kanyang daraanan. Lilitaw ang Tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon. Siya ay walang iba kundi si San Juan Bautista. Bago magpakita si Hesus, magpapakita muna si Juan Bautista.
Subalit, ang nakakalungkot, pinagdudahan ni Zacarias ang plano ng Diyos. Hindi siya naniwala. Humingi siya ng palatandaan mula sa anghel para maniwala siya. Nagtanong si Zacarias dahil nagduda siya sa awa ng Diyos. Sa halip na manalig at magpasalamat sa Diyos, nagtaka at nagduda si Zacarias. Tinaasan niya siguro ang kanyang kilay sa anghel. Hindi siya makapaniwala sa mga sinasabi sa kanya ng anghel. Kaya, humingi siya ng tanda bago pa siya maniwala sa sinabi ng Arkanghel na si San Gabriel sa kanya.
Dahil pinagdudahan ni Zacarias ang plano ng maawaing Diyos, sinumpaan siya ng Diyos. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa kakulangan ng pananalig at pagtitiwala sa awa ng Diyos. Mananatiling pipi at bingi si Zacarias hanggang sa araw ng pagsilang ni San Juan Bautista. Ito'y kaparusahan mula sa Diyos. Pinarusahan ng Diyos si Zacarias dahil hindi siya nanalig sa Kanya. Bagamat masakit para sa Diyos na parusahan si Zacarias na matagal nang naghintay upang magkaanak, kinailangan Niyang parusahan si Zacarias dahil sa kakulangan ng pananalig sa Kanyang Banal at Dakilang Awa sa sangkatauhan.
Araw-araw, ipinapakita at ipinapadama ng Panginoon sa ating lahat ang Kanyang Banal at Dakilang Awa. Huwag nating pagdudahan ang Kanyang Awa sa ating lahat. Ang lahat ng mga mabubuting bagay ang nangyayari dahil sa awa ng Diyos. Hindi ba, bilang mga Pilipino, madalas nating sinasabi kapag ang lahat ay nasa mabuting bagay ang mga salitang katulad ng, "May awa ang Diyos," "Sa awa ng Diyos" ? Huwag nating pagdudahan ang Awa ng Diyos. Bagkus, manalig tayo sa awa ng Panginoon nang buong puso at kaluluwa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento