Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang (ABK)
Pagmimisa sa Araw
Isaias 52, 7-10/Salmo 97/Hebreo 1, 1-6/Juan 1, 1-18 (o kaya: 1, 1-5. 9-14)
(courtesy: http://manilacathedral.ph/) |
"Kahit saa'y namamalas tagumpay ng Nagliligtas."
Sa pagsilang ni Hesus, ipinamalas ng Diyos ang Kanyang pinakadakilang gawa ng awa. Ang Panginoong Hesus ay isinugo sa sanlibutan upang iligtas ang sangkatauhan. Noong unang dumating ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesus, Siya'y iniluwal ng Mahal na Birheng Maria sa kanyang sinapupunan. Lumabas si Hesus sa sinapupunan ni Maria bilang isang sanggol. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at naging sanggol sa pamamagitan ni Hesus. Sa halip na lusubin nang buong kapangyarihan ang sansinukob, ang Diyos sa pamamagitan ni Hesukristo ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Birhen.
Ipinapakilala ni San Juan sa kauna-unahang kabanata ng kanyang Ebanghelyo ang Panginoong Hesus bilang Salita ng Diyos. Siya ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at nakipamuhay kasama natin. Hindi Niya nilusob nang buong kapangyarihan ang sanlibutan. Bagkus, ang Mananakop at Manunubos ng sangkatauhan na si Kristo ay nagpakita sa lahat sa pamamagitan ng pagiging isang sanggol. Tayong lahat ay isinilang dito sa mundo. Upang ipamalas ang Awa at Habag ng Diyos sa sangkatauhan, pinili ni Kristo na magkatawang-tao at isilang bilang isang sanggol katulad nating lahat. Siya'y katulad natin sa lahat ng bagay, maliban na lamang sa kasalanan.
Nakakalungkot ang isang bahagi noong ipinakilala ni San Juan si Kristo bilang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao. Hindi nakilala o tinanggap ang Salita ng Diyos na si Kristo ng Kanyang mga kababayan. Walang kumilala sa Kanya bilang Tagapagligtas at Mesiyas. Kahit na dumating si Kristo pagkatapos ng mahabang panahon ng paghihintay at pananabik, hindi Siya nakilala ng bayang naghintay para sa Kanya. Ang tingin nila kay Kristo, isang simpleng guro, isang simpleng karpintero, at anak nina Jose at Maria. Wala nang iba. Walang hihigit pa sa pagtingin ng mga kababayan ni Kristo sa Kanya. Hinintay nga ng Kanyang bayan ang Kanyang pagdating, pero noong Siya'y dumating, hindi Siya nakilala.
Bakit tinuloy ng Diyos ang pagsusugo Niya kay Hesus sa sanlibutan, hindi naman Siya makikilala ng Kanyang bayan bilang Manunubos? Hindi naman nila makikilala ang kanilang Manunubos sa katauhan ni Hesus. Hindi naman Siya tinanggap ng Kanyang bayan bilang Tagapagligtas. Alam naman ng Diyos kung ano ang mangyayari. Pero, sa dinami-daming iba pang mga plano na maaring gawin, bakit tinuloy pa rin ng Diyos ang orihinal Niyang plano? Bakit tuloy pa rin ang pagpapadala kay Hesus sa sanlibutan bilang Tagapagligtas?
Kahit alam ng Diyos na hindi kikilalanin o tatanggapin si Hesus ng Kanyang mga kababayan bilang Mesiyas, pinili Niyang ipadama ang Kanyang awa sa sangkatauhan. Nahabag ang Diyos sa sangkatauhan. Ang sangkatauhan ay nalugmok sa kasalanan. Kinailangan nila ng Tagapagligtas. Sa pagsusugo ng Diyos kay Hesus sa daigdig, ililigtas at babawiin Niya mula sa kapangyarihan ng kasamaan ang Kanyang mga nilikha, lalung-lalo na ang sangkatauhan. Hindi baleng hindi na Siya makilala ng Kanyang bayan, ang mahalaga ay matubos sila sa pamamagitan ng Kanyang Awa. Hindi pusong bato ang Puso ng Diyos. Bagkus, ang Puso ng Diyos ay punung-puno ng Kanyang Dakilang Awa.
Ang pagsilang ng Manunubos na si Hesukristo ay isang pagpapamalas ng Awa ng Diyos. Sa pagsilang ni Hesus, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang awa at habag sa sangkatauhan. Hindi baleng hindi Siya kikilalanin o tatanggapin ng Kanyang mga kababayan. Ipinapakita ng Diyos na may puwang tayong lahat sa Kanyang puso sa pamamagitan ng pagsilang ni Hesus. Awa at habag ang dahilan kaya ang Diyos Anak na si Hesus ay nagkatawang-tao at naging sanggol katulad natin.
Kung atin pong mapapansin, ipinapakita ng mga imahen o larawan ng Niño Hesus na nakabukas ang Kanyang mga palad. Nakabukas ang mga palad ng Sanggol na Hesus bilang pagpapakita ng Kanyang Awa sa sangkatauhan. Tayo ay inaanyayahan ng Batang Hesus na lumapit sa Kanya, ang Panginoon ng Awa. Isa itong pagsasalarawan ng Awa ng Diyos na ipinakita Niya sa pamamagitan ng Banal na Sanggol na si Hesus. Lumapit tayo sa Niño Hesus at makipagtitigan tayo sa Kanyang mga mata na puno ng awa. Pagmasdan natin ang kahanga-hangang gawa ng awa ng Diyos sa pamamagitan ng Sanggol na Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento