Linggo, Disyembre 13, 2015

HESUS: ISINUGO UPANG MAGING MAAWAING TAGAPAGLIGTAS

16 Disyembre 2015 
Unang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK) 
Isaias 56, 1-3a. 6-8/Salmo 66/Juan 5, 33-36 


Sa simula ng Siyam na Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo, mapapakinggan natin sa Ebanghelyo na nagpapatotoo si Hesus tungkol sa Kanyang sarili. Ipinahayag ng Panginoong Hesus na ginagawa Niya ang ipinapagawa sa Kanya ng Ama. May dahilan ang pagparito ng Panginoong Hesus. Napakahalaga ang kailangang gawin ni Hesus noong Siya'y pumarito sa daigdig. Sinugo ng Ama si Hesus upang tubusin ang Kanyang bayan. Si Hesus ang Mesiyas at ang Manunubos na ipinangako ng Diyos na susuguin sa Kanyang bayan. 

Walang ibang dahilan ang pagparito ni Hesus. Iisa lamang ang Kanyang misyon sa mundo - iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Subalit, hindi Siya nagpakita agad. Nauna si San Juan Bautista sa Panginoong Hesus. Noong lumitaw si San Juan Bautista, inihanda niya ang daraanan ng Panginoon hanggang sa Siya'y lumitaw. Itinuro ni San Juan Bautista sa kanyang mga tagapakinig na ang kanyang kamag-anak na si Hesus ang Mesiyas na hinihintay ng bayang Israel. 

Ang mga ginagawa ni Hesus ay nagpapakilala kung sino Siya. Hindi lamang ang mga salita ni Juan Bautista tungkol sa Kanya ang nagpapatotoo kung sino si Hesus. Ipinapakilala ni Hesus ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawa. Ang mga gawain ni Hesus ay ang mga pinapagawa sa Kanya ng Ama. Subalit, hindi Siya nakilala o tinanggap ng Kanyang bayan bilang Mesiyas na hinintay nila sa loob ng mahabang panahon. 

Noong pumarito si Hesus sa sanlibutan, tinaglay Niya ang awa at liwanag ng Diyos. Ang awa at liwanag ng Diyos ay nakita ng sanlibutan sa pamamagitan ni Hesus, subalit hindi Siya nakilala ng sanlibutan bilang Mukha ng maawaing Diyos na nagbibigay-liwanag. Sa mata ng Kanyang mga kababayan, si Hesus ay anak ni Maria, isang dalaga mula sa Nazaret. Siya ang anak ng isang karpintero na ang pangala'y Jose. Ayon sa Kanyang mga kababayan, si Hesus ay isang karpintero, at isang mabuting Guro. Kaunti lang ang nakakakilala sa Kanya bilang Mesiyas. 

Hindi pumarito si Hesus upang kontrolin Siya ng mga tao. Hindi pumarito si Hesus para gawing hari o bigyan ng isang makamundong posisyon sa pulitika. Bagkus, naparito si Hesus upang tuparin ang kaligtasang ipinangako ng Diyos. Nangako ang Diyos na ililigtas Niya ang Kanyang bayan mula sa kaalipinan dulot ng kasamaan at kamatayan, subalit ang paraan ng pagliligtas ng Diyos ay walang katulad. Hindi ito inaasahan ng mga tao. Isang sorpresa mula sa Diyos ang Kanyang plano. May plano ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, subalit hindi ito sa paraan na inaasahan o inaakala ng karamihan. 

Kahit hindi man nakilala o inaasahan ng mga tao na si Hesus nga ang katuparan ng pangakong binitiwan ng Diyos sa Kanyang bayan, hindi ito nagpaapekto sa Kanya. Hindi nagpaapekto si Hesus sa anumang iisipin ng Kanyang kababayan tungkol sa Kanyang mga gawain. Bagkus, patuloy Niyang sinunod ang kalooban ng Diyos. Tumalima at sumunod Siya sa kagustuhan ng Diyos. Kaya nga pumarito si Hesus - upang tuparin ang kaligtasang ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Isinugo ng Diyos ang Mesiyas sa katauhan ng Diyos Anak na si Hesus. Subalit, naparito ang Diyos Anak upang maging maawaing Mesiyas at Tagapagligtas. Kalooban ito ng Diyos. Bagamat iba ang inaasahan at inaakala ng mga tao patungkol sa Mesiyas, hindi iyon sinunod ni Hesus. Bagkus, sinunod ni Hesus ang kalooban ng Ama. Bilang Mesiyas at Manunubos, ipinahayag Niya sa lahat, sa pamamagitan ng Kanyang mga wika at gawain, ang Liwanag dulot ng Banal at Dakilang Awa ng Panginoong Diyos. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento