Linggo, Disyembre 13, 2015

KAGALAKAN SA PANGAKO NG MAAWAING PANGINOON

13 Disyembre 2015
Ikatlong Linggo ng Adbiyento (K) 
"Linggo ng Kagalakan" (Linggo ng Gaudete) 
Sofonias 3, 14-18a/Isaias 12/Filipos 4, 4-7/Lucas 3, 10-18 



Kagalakan ang tema ng Ikatlong Linggo ng Adbiyento. Sa halip na lila ang kulay ng damit ng mga pari ngayong Linggo, kulay rosas ang suot ng mga pari sa Misa ngayon. Ang kulay rosas ay kumakatawan sa kagalakan. Ang Pambungad na Antipona ngayong Linggo ay hango sa mga unang linya ng Ikalawang Pagbasa sa Misa ngayong Linggo, "Magalak nang palagian sa Poon nating marangal. Darating ang hinihintay, ating pinananabikan Panginoon nating mahal." (Filipos 4, 4-5) Ganun din ang tugon sa ating Salmo ngayon, "D'yos na kapiling ng bayan ay masayang papurihan." (Isaias 12, 6)

Ano nga ba ang dapat ikagalak? Dapat nga ba tayong magalak dahil malapit na ang Kapaskuhan? Malapit ba tayong makapagpahinga mula sa ating mga pasok? Matatanggap na natin ang ating mga Christmas bonus mula sa mga trabaho natin? Bakit dapat tayong magalak, kahit sa isang linggo pa ang Pasko? 

May isang napakahalagang dahilan kung bakit dapat tayong magalak. Dapat tayong lahat na magalak sapagkat ang Panginoon ay maawain. Nitong mga nakaraang araw, lalung-lalo na noong Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion ay binuksan natin ang Extraordinaryong Hubileyo ng Awa na may temang, "Maawain tulad ng Ama." Ang Awa ng Panginoong Diyos ay banal at dakila. Ang Awa ng Panginoon ang dahilan ng ating kagalakan. Sa Awa ng Panginoon nagmumula ang lahat, lalung-lalo na ang ating kagalakan. 

Ipinahayag ni propeta Sofonias sa Unang Pagbasa na dapat tayong umawit nang buong kagalakan sa Panginoon. Ang Diyos ay dapat awitan nang buong kagalakan. Nangako ang Panginoon na ililigtas Niya ang Kanyang bayang Israel. Nangako ang Panginoon na darating Siya upang iligtas ang Kanyang bayan mula sa mga kaaway. Tinupad nga ng Diyos ang pangakong ito sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ang tumupad sa pangako ng maawaing Diyos. Si Hesus ang Mesiyas at Tagapagligtas na pinangakong susuguin ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Ganito rin ang panawagan ni Apostol San Pablo sa Ikalawang Pagbasa sa kanyang sulat sa mga taga-Filipos. Nananawagan si Apostol San Pablo sa mga taga-Filipos na laging magalak sa Panginoon. Malapit na ang pagdating ng Panginoon. Malapit nang matupad ang pangako ng Panginoon Niya sa atin. Darating muli ang Panginoon. Bukod pa roon, ang kabutihang-loob ng Diyos ang isa sa napakaraming dahilan upang pasalamatan ang Panginoon. Sa Panginoon nagmula ang lahat ng bagay, at dapat natin Siyang pasalamatan nang buong kagalakan. 

Sa Ebanghelyo, natunghayan natin na ipinahayag ni San Juan Bautista sa kanyang mga tagapakinig sa Ilog Jordan ang lahat tungkol sa kanyang sarili. Ipinapakilala ni Juan Bautista ang kanyang sarili sa kanyang mga tagapakinig. Marami na ang nag-aakalang si San Juan Bautista na ang Mesiyas. Kaya, ipinakilala niya ang kanyang sarili at kung bakit siya nagbibinyag. Hindi siya ang Mesiyas, subalit ang Mesiyas ay darating kasunod niya. 

Naghintay sa loob ng mahabang panahon ang bayang Israel para sa pagdating ng kanilang Manunubos, ang Mesiyas. Ipinapahayag ngayon ni San Juan Bautista na malapit nang dumating ang Manunubos. Ang pagbibinyag na ginagawa ni San Juan Bautista ay sa tubig bilang tanda ng pagsisisi at pagbabalik-loob sa Diyos. Pinaghahandaan ni San Juan Bautista ang lahat para sa pagdating ng Mesiyas na Siyang magliligtas sa bayan ng Diyos. Sa pagdating ng Mesiyas, matutupad ang kaligtasang ipinangako ng Diyos sa Kanyang bayan. 

Ang pahayag ni San Juan Bautista tungkol sa pangako ng Panginoong maawain ay dapat ikagalak ng lahat. Matutupad ang pangako ng Panginoon. Tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin dahil sa Kanyang Dakilang Awa sa atin. Napakadakila ang awa ng Panginoon sa atin. Hinding-hindi Siya nakakalimot sa Kanyang mga pangako sa atin. Lagi Niyang inaalala at tinutupad ang Kanyang mga pangako sa sangkatauhan. 

Tapat ang Panginoon sa Kanyang mga pangako sa atin. Dapat nga natin itong ikagalak. Dapat tayong magalak sa mga pangako ng Panginoon. Walang pagkakataong kung saan nakalimot ang Diyos sa Kanyang mga pangako. Lagi Niya itong tinutupad. Sa pagtupad ng Kanyang pangako sa sangkatauhan, ipinapakita Niya sa buong sanlibutan ang Kanyang Banal at Dakilang Awa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento