20 Disyembre 2015
Ikaapat na Linggo ng Adbiyento (K)
Ikalimang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo
Mikas 5, 1-4a/Salmo 79/Hebreo 10, 5-10/Lucas 1, 39-45
Ang tema ng mga Pagbasa ngayong Ikaapat na Linggo ng Adbiyento at Ikalimang Araw ng Simbang Gabi o Misa de Gallo ay ang pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan. Sa Lumang Tipan, ipinahayag ng Diyos na isusugo Niya ang Mesiyas upang iligtas ang Kanyang bayan. Ang magiging Tagapagligtas ng bayang Israel ay ang Mesiyas na isusugo ng Diyos. Natupad ang plano ng Diyos sa Bagong Tipan noong isinilang at nagpakita ang Panginoong Hesukristo sa mundong ito.
Mapapakinggan natin sa Unang Pagbasa na hinulaan ni propeta Mikas ang pagsilang ng Mesiyas. Siya'y magmumula sa Betlehem, isang bayan sa Juda. Ang Mesiyas ay iluluwal mula sa sinapupunan ng isang babae, isang dalaga. Kung atin pong mapapansin, nilikha ng Diyos ang babae mula sa tadyang ng lalaki sa ikalawang kabanata ng aklat ng Genesis (2, 21-22). Subalit, iba na ang mangyayari. Isang dalaga ang maglilihi at magluluwal sa Mesiyas. Siyam na buwan mananahan ang Mesiyas sa sinapupunan ng babaeng iyon. Natupad ang propesiyang ito patungkol sa pagsilang ng Mesiyas sa Bagong Tipan sa pamamagitan ng Panginoong Hesus at ng Mahal na Birheng Maria.
Isinalarawan ng manunulat ng Ikalawang Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo kung paanong dumating si Hesus sa sanlibutan. Dumating si Hesus upang tuparin ang kalooban ng Ama. At ginawa nga ni Hesus ang lahat ng pinapagawa sa Kanya. Nanaog ang Panginoong Hesus sa sanlibutan, at sumunod sa kalooban ng Diyos. Kalooban ng Diyos na maligtas ang sangkatauhan. Naparito si Kristo sa sanlibutan upang iligtas ito, hindi upang ipahamak (Juan 3, 16-17). Inihain ni Kristo ang Kanyang buhay upang iligtas tayong lahat mula sa ating mga kasalanan at palayain mula sa kaalipinan dulat ng kasamaan at kasalanan. Tayo'y pinalaya at iniligtas sa pamamagitan ng pag-aalay ni Kristo ng Kanyang buhay.
Sa Ebanghelyo, narinig natin ang salaysay ng pagdalaw ng Mahal na Ina sa kanyang kamag-anak na si Santa Isabel (Elisabet). Nabalitaan ng Mahal na Birhen na nagdadalantao rin ang kanyang kamag-anak, sa kabila ng kanyang katandaan. Kaisa ni Maria si Elisabet sa kanyang pagdadalantao. Parehas silang nagdadalantao - dinadala ni Maria si Hesus sa kanyang sinapupunan, habang dinadala naman ni Elisabet si San Juan Bautista sa kanyang sinapupunan.
Kahit hindi pa lumabas sa sinapupunan, nakita ni San Juan Bautista ang katuparan ng pagliligtas ng Diyos. Noong narinig ni Elisabet (Santa Isabel) ang pagbati sa kanya ni Maria, ang sanggol na si San Juan Bautista ay gumalaw sa laki ng tuwa, kahit nasa loob pa siya ng tiyan ni Santa Isabel (Elisabet). Gumalaw ang sanggol na si San Juan Bautista sa loob ng tiyan ng kanyang inang si Elisabet dahil kahit hindi pa siya lumabas, nakilala na Niya kung sino ang pinangakong Tagapagligtas. Nakilala ng sanggol na si San Juan Bautista na hindi pa ipinapanganak ang Tagapagligtas isusugo ng Diyos para sa kaligtasan ng lahat.
Nangako ang Panginoong Diyos sa Lumang Tipan na magpapadala Siya ng isang dakilang sugo - isang Tagapagligtas, ang Mesiyas. Ipapadala ng Diyos ang Mesiyas sa sanlibutan upang tayo'y iligtas at palayain mula sa kasalanan at kamatayan. Tinupad ng Diyos ang Kanyang pangako at pinadala nga Niya ang Mesiyas sa Kanyang bayan. Si Hesus ang katuparan ng plano at pangako ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang bayan. Si Hesus ay hinirang ng Ama upang tuparin ang pangako ng kaligtasan para sa Kanyang bayan. Nagplano ang Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang bayan. Nangako rin ang Diyos na ililigtas Niya ang Kanyang bayan. Natupad na ang Kanyang plano ng pagliligtas sa Kanyang bayan. Natupad ang Kanyang pangako sa Kanyang bayan na sila'y ililigtas.
Tunay na dakila ang pagliligtas ng Diyos sa Kanyang bayan. Ang pagliligtas ng Diyos ay natupad sa pamamagitan ng Kanyang Banal at Dakilang Awa at Habag sa Kanyang bayan. Isinugo ng Diyos ang Mesiyas sa katauhan ng Kanyang Bugtong na Anak, ang Panginoong Hesukristo, upang maging Tagapagligtas ng Kanyang bayan. Nagmula ang Mesiyas na si Hesus sa sinapupunan ng isang dalaga, isang babae, ang Mahal na Birheng Maria. Nakilala din Siya bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan ng isang kapwa-sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang sariling ina - si San Juan Bautista.
Nakilala ni San Juan Bautista, na nasa tiyan ng kanyang inang si Santa Isabel (Elisabet) ang Panginoong Hesus na nasa tiyan ng Kanyang ina, ang Mahal na Birheng Maria. Nakilala din ni Elisabet (Santa Isabel) ang Bagong Kaban ng Tipan, ang Mahal na Birheng Maria na nagdala sa Panginoong Hesukristo sa kanyang sinapupunan sa loob din ng siyam na taon. Noong narinig ni Elisabet (Santa Isabel) ang pagbati ng kanyang kamag-anak na si Maria, narinig din ng sanggol na si San Juan Bautista na nasa sinapupunan ng kanyang inang si Santa Isabel (Elisabet) ang tinig ng pagliligtas ng Diyos.
Dumating ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng isang sanggol na lalaki at ng isang dalagang babae. Iniluwal ng Mahal na Birheng Maria, ang dalagang babae, ang Bugtong na Anak ng Diyos na si Hesukristo, ang sanggol na lalaki. Sa pamamagitan nito, tinupad Niya ang Kanyang mga sinabi patungkol sa Kanyang pangako ng kaligtasan na ipinahayag ng mga propeta sa Lumang Tipan. Ipinahayag ng Diyos sa Kanyang bayan na maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki ang isang dalaga. Natupad iyon sa pamamagitan ng Sanggol na si Hesus at ng Mahal na Birheng Maria.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento