Ikalawang Araw ng Simbang Gabi/Misa de Gallo (ABK)
Genesis 49, 2. 8-10/Salmo 71/Mateo 1, 1-17
(Photo courtesy: http://manilacathedral.ph/) |
Bakit nga ba pinayagan ng Diyos na maging kabilang sa lahi ng mga makasalanan ang Panginoong Hesukristo? Hindi ba pwedeng isugo na lang si Hesus nang dire-diretsyo? Hindi ba't maaaring bumaba si Hesus mula sa langit sa Kanyang dakila at maningning na Anyo? Kung gugustuhin ni Hesus, maaari sanang bumaba si Hesus mula sa langit, punung-puno ng kadakilaan at kaluwalhatian. Hindi na mapapabilang si Hesus sa lahi ng mga makasalanan kung gayon ang nangyari. Bakit pinayagan ng Diyos na mapabilang si Hesus sa lahi ng mga makasalanan?
Una, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang awa sa mga makasalanan. Si Hesus ay naging kabilang ng lahi ng mga makasalanan upang ipakita sa lahat ang Kanyang Banal na Awa sa mga makasalanan. Nais Niyang ipadama ang Kanyang Awa sa mga makasalanan. Kahit gaanong kasama ang kasalanan ng bawat tao, hindi iyan mapapantayan ang Awa ng Diyos. Ang Awa ng Panginoon ay higit na dakila kaysa sa dinami-daming mga makasalanan. Walang kasalanan, kahit gaano pa mang kasama, ang mas makapangyarihan at mananaig laban sa Awa ng Diyos.
Pangalawa, ipinapakita ng Diyos ang Kanyang awa sa mga nagdurusa. Binanggit dito sa talaan ang panahon ng pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia. Panahon iyon nina Propeta Daniel, Haring Nabucodonosor, atbp. Nagdusa ang mga Israelita noong nagkawatak-watak sila dahil sa pagkakatapon ng mga Israelita sa Babilonia. Nananalangin ang buong bayang Israel sa Babilonia upang palayain sila mula sa kaalipinan sa Babilonia.
Hindi lamang iyan ang pagkakataon kung kailan nagdusa ang mga Israelita, noong kapanahunan ni Moises. Bagamat hindi ito nabanggit sa talaan ng angkan ni Kristo, makikita natin sa salaysay ng pagpapalaya ng Diyos sa Kanyang bayan mula sa kaalipinan sa Ehipto. Ilang taon nang naranasan ng mga Israelita ang kalupitan ng mga Ehipsiyo. Napakahaba ang panahon ng kanilang paghihirap sa Ehipto. Nanalangin ang buong bayan ng Israel noong kapanahunang yaon na sila'y palayain mula sa kaalipinan sa Ehipto. At nagkatotoo nga. Dahil sa awa ng Diyos, sinugo Niya si Moises upang maging Kanyang tagapagsalita sa Faraon at tagapagpalaya ng mga Israelita.
Sina Adan at Eba, ang unang mga ninuno ng sangkatauhan, ang unang makasalanan. Perpektong-perpekto sana sila, subalit nagkasala sila laban sa Diyos noong kinain nila ang bunga mula sa puno ng karunungan tungkol sa kabutihan at kasamaan, ang puno sa gitna ng halamanan ng Eden. Pumasok ang kasalanan sa daigdig sa pamamagitan ng kasalanan nina Adan at Eba. Nagpadaig sina Adan at Eba sa tukso, sa halip na sundin ang utos ng Diyos.
Maawain ang Diyos sa mga taong marupok. Salamat sa Diyos sa Kanyang Dakilang Awa sa ating lahat, mga taong marupok! Kung hindi maawain ang Diyos, matagal tayong namuhay bilang mga alipin ng kasamaan at kasalanan. Kung walang Awa ng Diyos, hindi sana pumarito si Hesus upang tayo'y tubusin at palayain mula sa ating mga kasalanan. Ang plano ng kaligtasan ng Diyos para sa sangkatauhan dahil sa Kanyang Dakilang Awa ay natupad sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Naparito si Kristo upang tuparin ang kaligtasang ipinangako ng maawaing Diyos sa Kanyang bayan.
Naging tao si Hesus upang ipakita at ipadama sa buong sansinukob ang Banal at Dakilang Awa ng Diyos. Bagamat perpekto, pinili ni Hesus na mapabilang sa angkan ng mga makasalanan dahil sa Awa ng Diyos. Hindi nagkasala kahit kailan si Hesus, noong Siya'y naparito sa mundo. Pinasan Niya ang ating mga kasalanan at inihandog sa Ama alang-alang sa ating lahat, mga mahihinang makasalanan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento